PASAHERONG GUMAMIT NG PASAPORTE AT VISA NG IBA, HINARANG SA NAIA

HINARANG ng Bureau of Immigration (BI) ang isang pasaherong nagpanggap na ibang tao matapos tangkaing bumiyahe patungong Canada gamit ang tunay na pasaporte ng isang Indian national at Canadian visa na pag-aari ng ibang indibidwal sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong Nobyembre 7, 2026.

Galing Malaysia ang pasahero sakay ng Philippine Airlines nang masita ng mga tauhan ng BI kasunod ng impormasyong ibinahagi ng mga awtoridad ng Canada na nagbigay-daan sa masusing beripikasyon sa mga biyahero.

Nagsagawa ang Immigration Protection and Border Enforcement Unit (I-PROBES) ng facial recognition at forensic signature comparison upang matukoy ang tunay na pagkakakilanlan ng pasahero.

Nakumpirma sa pagsusuri na hindi siya ang tunay na may-ari ng mga dokumentong ginagamit sa paglalakbay.

Sa hiwalay na pagsusuri ng BI Anti-Fraud Section, napatunayang tunay ang pasaporte at Canadian visa ngunit ginagamit lamang ang mga ito ng ibang tao.

Ipinasa ang pasahero sa kinauukulang airline upang maibalik sa bansang pinagmulan nito.

Pinuri ni BI Commissioner Joel Anthony M. Viado ang pagiging mapagmatyag ng mga tauhan ng ahensya at binigyang-diin ang kahalagahan ng palitan ng impormasyon at pakikipagtulungan sa mga dayuhang awtoridad upang mapalakas ang seguridad sa mga hangganan ng bansa.

Tiniyak din ni Viado na patuloy na paiigtingin ng BI ang pagbabantay laban sa mga dayuhang gumagamit ng pekeng pagkakakilanlan o dokumento sa paglalakbay upang magamit ang Pilipinas bilang transit point.

Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang seguridad sa mga hangganan ng bansa.

(JOCELYN DOMENDEN)

30

Related posts

Leave a Comment