NAGPALABAS na ng listahan ng mga kandidatong inendorso ang Confederation of Filipino Workers.
Sa ipinalabas na post sa kanilang Facebook page, sinabi nito, “Mahalaga na patuloy na maprotektahan at mas pag-ibayuhin pa ang mga programa, polisiya at adbokasiya para sa mga Manggagawang Pinoy.
Sa darating na halalan, napagpasyahan namin sa Confederation of Filipino Workers (CFW) na suportahan ang kandidatura ng sumusunod na mga tumatakbo para sa pagka-senador at party-list sa Kongreso.
Aming hinihikayat ang lahat ng aming miyembro at kani-kanilang pamilya na suportahan ang nasabing mga kandidato at grupo na tutulong sa atin para maisakatuparan ang mga kailangang polisiya at programa para sa lahat ng mga Manggagawang Pinoy na nasa bansa at ‘yung nagtatrabaho sa ibang bansa.”
Kabilang ang numero #116 AKO OFW Party-list sa mga napusuan ng pamunuan ng CFW na kanilang opisyal na iniendorso sa lahat ng kanilang mga kasapi sa loob at labas ng bansa, na labis na ipinagpapasalamat ni AKO OFW Party-list Chairman at 1st Nominee na si Dr. Chie Umandap.
Aniya, “Ang pagsuporta ng Confederation of Filipino Workers ay patunay lamang na kaisa ng AKO OFW ang layunin ng CFW na maproteksyunan at mabigyan ng angkop na benepisyo ang mga manggagawang Pilipino at tugma ang mga adbokasiya nito para sa hanay ng mga manggagawa”.
Idinagdag din ni Umandap ang kanyang pangako na pag-iibayuhin nito ang pakikipag-ugnayan sa pamunuan ng Confederation of Filipino Workers upang masiguro na maisasakatuparan ang mga adbokasiya at polisiya na minimithi ng mga manggagawang Pilipino.
