13 RESPONDENTS SA PHARMALLY SCANDAL HINDI NA MATUNTON

NANANATILING mabagal ang pag-usad ng kasong plunder kaugnay ng umano’y maanomalyang P11.5 bilyong kontrata ng Pharmally Pharmaceuticals Corp. para sa mga suplay noong COVID-19 pandemic, matapos mahirapan ang Office of the Ombudsman na matunton ang 13 sa kabuuang 46 na respondent.

Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla, marami sa mga respondent ang hindi na matagpuan, dahilan upang maantala ang pag-usad ng kaso.

“In the case of Pharmally, there are 46 respondents. That’s why it’s taking a while. Many of them have become invisible, as if they are trying to evade the jurisdiction of this body,” pahayag ni Remulla.

Nag-ugat ang kaso sa umano’y maanomalyang pagbili ng pamahalaan ng mga face mask, personal protective equipment (PPE) at testing kit noong kasagsagan ng pandemya, na nagkakahalaga ng bilyun-bilyong piso.

Kabilang sa mga hindi pa matunton ang Pharmally Chairperson Huang Tzu Yen; President Twinkle Dargani; Corporate Secretary at Treasurer Mohit Dargani; Director Linconn Uy Ong; Head of Regulatory Affairs Krizie Grace Mago; Financial Manager Lin Wei Xiong; asawa nitong si Rose Nono Lin; at dating Department of Budget and Management-Procurement Service personnel na si Mervin Ian Tanquintic.

Hinahanap din sina Alvin Fernandez, Gilbert Recluta, Orly delos Reyes, Nelson Taguik at Gerald Cruz, gayundin sina Ma. Joycelynn Lee Rodriguez, Mark Augustine Lee Rodriguez, Michael Angelo Santos Rodriguez at Mikhail Franceso Lee Rodriguez.

Samantala, nakatakda ring ihatid ang mga kopya ng reklamo sa iba pang respondent, kabilang si Michael Yang, dating economic adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na iniuugnay sa Pharmally bilang umano’y financier; kapatid niyang si Tony Yang; mga opisyal ng Pai Li Holdings at Pai Hong Realty na sina Jayson Uson at Yuqin Zheng; Pharmally Director Justine Garado; at Adriano Po Jr.

Matatandaang sa mga pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee mula Agosto 2021 hanggang Enero 2022, lumitaw na nakakuha ang Pharmally Pharmaceuticals Corp. ng mga kontrata ng pamahalaan na nagkakahalaga ng ₱11.5 bilyon kahit ₱625,000 lamang ang paid-up capital nito.

Ang naturang halaga ang bumuo sa malaking bahagi ng mga kontrata ng pamahalaan sa mga pribadong kumpanya para sa COVID-19 supplies noong panahon ng pandemya.

(JESSE RUIZ)

102

Related posts

Leave a Comment