PINALAGAN ng Malacañang ang alegasyon ng kampo ni Vice President Sara Duterte na nagsasagawa ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng koordinadong hakbang ng pamahalaan laban sa Bise Presidente.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, ginagamit ng pamahalaan ang whole-of-government approach upang tugunan ang epekto ng krisis sa Gitnang Silangan at ng matinding El Niño, at hindi upang siraan o pabagsakin ang sinomang opisyal.
“Ang gobyerno, ang pamahalaan, ang Pangulo ay ipinapatupad ang whole-of-government approach para labanan natin ang epekto ng El Niño, ang epekto ng krisis sa Middle East pero hindi para i-down, or husgahan ang isang tao,” ani Castro.
Binigyang-diin din ni Castro na ang mga hakbang ng National Bureau of Investigation (NBI), sa pangunguna ni NBI Director Atty. Melvin Matibag, ay dapat nakabatay sa mandato ng ahensiya.
Iginiit din ng opisyal na dapat panagutin ang mga public official na hindi tumutupad sa kanilang mga tungkulin.
“Mas sisisihin po natin ang mga opisyal na hindi nagtatrabaho nang naaayon sa kanilang mandato,” pahayag ni Castro.
Dagdag pa niya, ang pagpapakita ng ebidensiya at paglalantad ng mga posibleng anomalya na kinasasangkutan ng mga opisyal ng pamahalaan ay hindi awtomatikong nangangahulugang layunin nitong pabagsakin ang isang opisyal o sirain ang reputasyon nito.
Sa halip, hinimok ni Castro si Vice President Sara Duterte na direktang sagutin at depensahan ang sarili laban sa mga alegasyon sa pamamagitan ng paglalahad ng mga ebidensiya, sa halip na batikusin ang mga ahensiyang nagsasagawa ng imbestigasyon.
(CHRISTIAN DALE)
82 