CLICKBAIT ni JO BARLIZO
HINDI dapat gawing puhunan sa katatawanan ang kapansanan ng isang tao para lamang makakuha ng views, likes at shares. Sa panahong mabilis kumalat ang mga content sa social media, mahalagang suriin kung ang isang biro ay nakaaaliw o nakadaragdag lamang sa pangungutya at diskriminasyong nararanasan ng mga taong may kapansanan.
Mainit ngayon ang publiko sa mga host ng kontrobersyal na Machong Chismisan podcast dahil sa mga birong tumukoy sa mga taong nasa autism spectrum, kabilang ang anak ni Kris Aquino na si Josh. Nagbabala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) laban sa ganitong uri ng pangungutya, habang iginiit ng isang mambabatas na hindi lisensya ang freedom of expression upang hamakin ang mga taong may kapansanan.
Hindi sapat na ipagtanggol ang isang mapanakit na pahayag sa pagsasabing biro lamang ito. Maaaring hindi intensiyon ng nagsalita na manakit, ngunit hindi nito nabubura ang posibleng epekto ng kanyang mga salita. Ang pagtrato sa autism o iba pang kapansanan bilang katatawanan ay maaaring magpalakas ng maling paniniwala at magpalalim ng diskriminasyon laban sa mga taong naiiba ang kalagayan.
Mahalaga ang freedom of expression sa isang demokratikong lipunan, ngunit kaakibat nito ang pananagutang igalang ang karapatan at dignidad ng iba. Malaki ang responsibilidad ng mga content creator dahil sa lawak ng kanilang naaabot na audience. Ngunit hindi lamang dami ng views at shares ang dapat isaalang-alang, kundi pati ang epekto ng kanilang nilalaman. Posibleng maging malikhain at nakaaaliw nang hindi ginagawang katatawanan ang isang bulnerableng sektor.
Ang mga taong may autism at iba pang kapansanan ay may sariling kakayahan, damdamin at karapatan. Hindi nababawasan ang kanilang halaga dahil sa kanilang kondisyon, at hindi ito dapat maging dahilan upang sila ay ipahiya o maliitin. Ang pagkilala sa kanilang dignidad ay bahagi ng pagbuo ng lipunang may pag-unawa at paggalang sa pagkakaiba-iba.
Bago maglathala ng video, magbitiw ng biro o magbahagi ng mapanuyang komento, nararapat lamang na pag-isipan ang posibleng epekto nito. Ang paggalang ay hindi hadlang sa malayang pagpapahayag; sa halip, ipinakikita nitong kayang gamitin ang kalayaan nang may pananagutan.
Dahil ang tunay na talino ay hindi nasusukat sa kakayahang magpatawa sa kapinsalaan ng kapwa, kundi sa kakayahang magpahayag nang hindi isinasantabi ang dignidad ng iba.
o0o
Ang kakulangan sa tubig, kakapusan sa pagkain at iba pang ipinagkakait na materyal na pangangailangan ay madaling palampasin, pero ang pagkawala ng mahal sa buhay ay mabigat, mahirap at isang malalim na pighati.
Simpleng buhay lang sana ay sapat na. Marami ang hindi naghahangad ng karangyaan dahil ang turing nilang yaman ay ang pinagbuklod na pamilya – malayo sa sakit at kapahamakan, at may paggalang at pagmamahal sa isa’t isa.
Kapag may nawala, ito ba ay dahil sinusukat ang iyong katatagan at pananalig?
Masakit mawalan kaya hindi madaling ilagay sa isipan na “‘yan ang buhay”. Hindi rin agad na aakuing sinusubok ang pananampalataya.
Pero, tuloy pa rin tayong magpupunyagi hindi dahil may lumayo at lumisan.
Ang nawala ay presensya ng pisikal na anyo, hindi ang mga sandali ng pamamalagi sa mundo. Naiwan at patuloy na sasariwain ang mga alaala.
Matatagpuan natin ang yaman at halaga ng buhay dahil tayo’y nawalan.
78 