KINUMPIRMA kahapon ng Bureau of Customs na hawak na nila ang labing-apat na mamahaling sasakyan ng mag-asawang government contractors na sina Sarah at Curlee Discaya kasunod ng isinagawang pagsalakay sa isa nilang tanggapan sa Pasig City, kabilang dito ang 12 luxury vehicles na pakay ng inisyung search warrant ng Manila Regional Trial Court Branch 18.
Sa panayam kay Custom Commissioner Ariel Nepomuceno, inihayag nitong hindi nila titigilan ang paghanap at pagbusisi sa mga mamahaling sasakyan na nakapangalan sa mag-asawang Discaya kasunod ng nakalap na ulat na humigit-kumulang sa 12 sasakyan ng mga Discaya ang hindi nakatala sa LTO at kwestyunable ang mga dokumento.
Una rito, nang ipatupad ang search warrant na hawak ng BOC, ay dalawa lamang sa 12 nakalista sa hawak nilang warrant, ang kanilang natagpuan sa loob ng St. Gerrard Construction, subalit ipinasya na rin ng pamunuan ng Aduana na pansamantalang pigilin ang dalawang sasakyan na hindi kasama sa warrant na kinabibilangan Jaguar F-Pace at bulletproof Cadillac Escalade, dahil sa kawalan ng kumpletong dokumento.
“The search warrant was applied for 12 [cars], but when we went there yesterday (Martes), two were included in the search warrant while two were not included; that’s why it’s 14 [cars] under our control,” ani Nepomuceno
Nabatid na sinelyuhan lamang at mahigpit na binabantayan ngayon ng mga tauhan ng BOC at Philippine Coast Guard ang luxury vehicles at hindi muna kukumpiskahin ng Aduana,
Binigyan ang pamilya Discaya ng sampung araw na palugit para ipresenta ang kaukulang papeles ng kanilang mga sasakyan.
Ayon kay BOC chief of staff Atty. Jek Casipit, may 12 luxury cars ang mga Discaya na walang import entry at kailangang busisiin kung nabayaran ba nang tama ang kaukulang import duties and taxes.
“Dapat ‘yung importer nagbayad ng tamang buwis,” ani Atty. Casipit, na sinabing tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P100 million ang mga mamahaling sasakyan.
Unang nakuha ng BOC’s Intelligence and Enforcement Units noong Martes ng umaga ang isang Toyota LC300 3.3 V6 ZX at SUV 2024 at Maserati Levante Modena 2022.
Subalit kinagabihan ay kinumpirma ng BOC na isinurender sa kanila ang pitong nalalabing sasakyang nasa St. Gerrard Construction General Contractor and Development Corp.’s compound na kinabibilangan ng Rolls Royce Cullinan, Bentley Bentayga, Mercedes Benz G500, Mercedes AMG G 63 AMG, Toyota Tundra, Toyota Sequoia, at Cadillac Escalade.
Habang nasa service center naman umano ang tatlo pang hinahanap na sasakyan na nakasulat sa warrant na isang GMC Yukon Denali at dalawang Lincoln Navigator, na isusuko rin umano agad.
Pinasalamatan naman ni Commissioner Nepomuceno ang ginawang tulong ng Department of Transportation (DOTr) – Land Transportation Office (LTO), Philippine National Police (PNP) – Eastern Police District (EPD), Highway Patrol Group (HPG), Philippine Coast Guard (PCG), at mga opisyal ng Barangay Bambang, Pasig City para matunton ang mga sasakyan.
Kaugnay nito, isiniwalat naman ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada na umaabot sa halos 80 ang mga sasakyang pagmamay-ari umano ng mag-asawang Discaya at ng kanilang mga kumpanya, kabilang dito ang humigit-kumulang 40 luxury cars.
Batay sa record umano ng Land Transportation Office (LTO), nasa 63 na sasakyan ang nakapangalan sa mag-asawa—mula sa mainstream brands hanggang sa high-end vehicles.
Magugunitang nagbabala si Nepomuceno na mananagot sa batas ang sinomang tutulong o magtatago ng hinahanap na mga sasakyan.
(JESSE RUIZ)
127 