PINABABALIK ni Senador Bam Aquino sa Department of Budget and Management ang proposed 2026 budget ng Department of Public Works and Highways.
Ito ay makaraang matukoy nila ang maraming red flags sa flood control projects.
Sinabi ni Aquino na dapat ayusin muna ang DPWH budget at alisin ang mga natukoy na ghost projects at magsumite sa Senado ng tunay na flood control budget.
Naniniwala ang senador na hindi pangkaraniwan ang proseso na kanyang isinusulong pero nagbabakasakali siyang magbigay ng exception sa prosesong ito para sa “real flood control budget” na maipagmamalaki at hindi ikahihiya.
Gayunman, ipinaliwanag ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na wala sa konstitusyon at maging sa budget rules ang prosesong nais ipagawa ng mambabatas.
Suhestiyon din ni Aquino na kung anoman ang output o maging resulta ng mga imbestigasyon sa flood control projects ay ibalik ito sa mga mambabatas bilang proposed amendments at ito ang magiging batayan ng mga pagbabagong ilalatag sa DPWH budget.
Tiniyak naman ni Pangandaman na bukas ang DPWH sa mga kailangang palitan sa pamamagitan ng department amendment at maaari namang tapyasan ng mga senador ang DPWH budget sa P500 billion o P400 billion kung hindi palagay ang mga mambabatas sa mahigit P800 billion na panukalang pondo ng ahensya sa susunod na taon.
(DANG SAMSON-GARCIA)
112 