LUCENA CITY – Patay ang isang 16-anyos na estudyanteng nagmamaneho ng motorsiklo matapos mabundol at magulungan ng isang pick-up sa loob ng isang subdibisyon sa Brgy. Gulang-Gulang sa lungsod noong Martes ng hapon.
Kinilala ng Lucena City Police ang biktimang si Alberto Ria Sera, residente ng naturang subdivision.
Ayon sa report, minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo papasok sa subdibisyon nang mabangga ng kasalubong na Ford Ranger Raptor pick-up na minamaneho ni Rogelio Obsequias Alternado, 45-anyos, sa palusong na bahagi ng kalsada dakong alas-4:00 ng hapon.
Tumilapon ang binatilyo sa kalsada at nagulungan ng pick-up.
Agad namatay sa insidente ang estudyante dahil sa matinding pinsala sa katawan.
Agad namang naaresto ang driver ng pick-up na nasa kustodiya na ng Lucena City Police Station.
Sasampahan ang suspek ng kasong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property. (NILOU DEL CARMEN)
