ILALAGAY na sa mahigpit na pagbabantay ng Land Transportation Office (LTO) at Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang kahabaan ng Marikina-Rizal-Laguna-Quezon (Marilaque) Highway matapos masawi ang isang motovlogger.
Namatay ang motovlogger na si Motopush o John Louie Arguelles sa tunay na pangalan, noong Linggo at pitong iba pa ang sugatan matapos nitong makabanggaan ang isa pang rider na nagkikipagkarerahan habang naka-“Superman” ride o nakadapa sa kanilang motorsiklo.
Sa viral video, makikita ang dalawa na nag-uunahan at sa bilis ng arangkada, nawalan sila ng kontrol at nagkabanggan hanggang sa sumalpok sila sa mga nanonood sa gilid ng highway sa Tanay, Rizal.
“Yung dalawang involved [na rider] ay mabilis yung takbo nila. Dahil nga marami kasing ano dun mga tumatambay na motorcycle riders, yung mga vlogger. Nagte-take videos, nagte-take pictures kaya yung siguro yung ano nila…nagpapasikat ba na itinataas nila yung paa,” ang pahayag ni PLtCol. Norman Cas-Oy, hepe ng Tanay PNP.
Paborito ng mga motovlogger ang nasabing highway dahil sa pakurbada nitong bahagi ngunit magpapalabas na umano ng ordinansa ang lokal na pamahalaan para ipagbawal ang mabilis na arangkada.
Ayon sa pulisya, may mga nagbabantay naman sa nasabing highway pero lumilipat lang umano ang mga rider sa bahagi ng highway na wala nang nakabantay.
Dahil dito, ipatatawag ni LTO Chief Atty. Vigor Mendoza II ang survivor rider upang pagpaliwanagin kung bakit hindi dapat bawiin ang kanyang driver’s license sa ginawang “Superman” stunt na nauwi sa aksidente at pagkamatay ni Arguelles.
Nakipagkita naman si Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) director PBGen. Eleazar Matta kay Mendoza nitong Lunes, Enero 27, upang ipatupad ang pagbabantay sa lugar nang hindi na maulit pa ang nasabing insidente. (NEP CASTILLO)
17