INIHAHANDA na ang deportasyon sa dalawang dayuhan na umano’y sangkot sa cyber prostitution sa bansa, makaraang matimbog ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Bohol at Taguig City, iniulat noong Biyernes.
Unang natimbog ang suspek na Amerikanong si Paul Franklin Gozock, 63, sa Bohol, dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na gawain noong 2019.
Nagtungo sa bansa ang isang kinatawan ng US District Court ng Western District sa New York, upang tugisin si Gozock at nasakote ng Bureau of Immigration sa Bohol.
Samantala, isang South Korean national na wanted din sa kanilang bansa ang naaresto dahil sa cyber prostitution at kumita ng mahigit sa 21 bilyong won o 17.7 US dollars.
Kinilala ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang nadakip na si Park Seong Hyeok, 47-anyos.
Naaresto si Park ng mga tauhan ng BI-Fugitive Search Unit sa isang condominium sa Taguig City.
Nahaharap si Park sa warrant of arrest na inilabas ng Daejeon district court sa South Korea habang pinawalang-bisa na ang kanyang pasaporte at may red notice sa Interpol dahil sa prostitusyon.
Nabatid na nagtayo si Park at mga kasabwat ng internet website na nagbebenta ng mga babae para sa prostitusyon noong Hunyo 2014. Nagtayo ng 2,000 bahay-prostitusyon, in-advertise sa kanilang website at kumita ng 21 bilyong won sa naturang raket.
Ang dalawang dayuhan ay inilagay sa ‘blacklist’ para hindi na makabalik pa ng bansa. (RENE CRISOSTOMO)
353 