SINAMPAHAN na ng kasong kriminal ng Quezon City Police District (QCPD) ang mga suspek na sina Jayson Dellosa at Joseph “Pepe” Santosa Juan, kaugnay ng pamamaril sa isang night club sa Brgy. Laging Handa, Quezon City.
Batay sa imbestigasyon, bandang alas-3:08 ng madaling-araw noong Nobyembre 16, 2025, dumating si Jayson sa club at naghintay sa labas para kay Joseph “Boss Pepe”, operations manager ng bar. Pagdating ni Pepe, pinasok nito si Jayson nang hindi dumaan sa regular na security check.
Alas-4:42 ng umaga, nagkaroon ng komosyon sa pagitan ng kasama ni Jayson at ng isang 23-anyos na lalaki, na nauwi sa pamamaril umano ni Jayson sa ulo ng biktima bago tumakas. Dinala ang biktima sa St. Luke’s Medical Center at inilipat sa Quezon City General Hospital, kung saan stable na ang kondisyon nito.
Mabilis na rumesponde ang QCPD Kamuning Police Station 10, CIDU, at SOCO. Isang fired cartridge at deformed na bala ang narekober, habang CCTV footage, testimonya ng saksi, at koordinasyon sa San Juan City ang nagkumpirma sa pagkakakilanlan ni Jayson bilang kilalang miyembro ng Original Pinoy Gangster (OPG) sa ilalim ng San Juan Hood. Lumabas rin sa verification na rehistradong gun owner si Jayson, kaya agad hiniling ng QCPD sa PNP-FEO ang pagbawi ng kanyang lisensya sa baril.
Noong Nobyembre 19, 2025, isinampa ang kasong Frustrated Murder laban kay Jayson, habang si Joseph ay kinasuhan bilang Accessory to Frustrated Murder dahil sa pagpadali sa pagpasok ng suspek at pag-bypass sa security protocols ng club.
“Sa masusing imbestigasyon at tuloy-tuloy na follow-up operations, sisiguraduhin naming makamit ang hustisya habang iginagalang ang due process,” pahayag ni PCOL Randy Glenn Silvio, Acting District Director ng QCPD.
(PAOLO SANTOS)
18
