DAVAO City – Nahaharap sa patong-patong na kaso ang dalawang lalaking sangkot sa pekeng annulment procedure matapos mahuli sa entrapment operation ng Talomo Police Station at Criminal Investigation and Detection Group-Davao City Field Unit (CIDG-DCFU), alas-5:15 ng hapon noong Martes, Setyembre 22, sa A Mall sa Ecoland, Quimpo Boulevard, nitong lungsod.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Article 177 ng Revised Penal Code o Usurpation of Authority or Official Function at paglabag sa Article 315 ng Revised Penal Code (Estafa) ang mga suspek na sina Lyndon Onell Duldulao at Lyndon Miones Lapig, pawang nasa hustong edad.
Aabot sa P230,000 halaga ang marked money na ginamit sa operasyon ng mga awtoridad na tinanggap agad ng mga suspek bilang processing fee sa petisyon ng annulment of marriage.
Napag-alaman, nagpakilala ang mga suspek na sila ay mga awtorisadong mag-proseso ng annulment of marriage sa kanilang kliyente na magbabayad sana ng P230,000.
Nakuha ng mga awtoridad ang impormasyon matapos kumalat sa social media ang post na may kaugnayan sa petition for annulment of marriage na paglabag sa legal ethics.
Agad nagsagawa ng operashon ang mga awtoridad matapos mabatid na marami nang naging biktima ang mga suspek.
Pinaalalahanan naman ng mga awtoridad ang publiko na huwag maniniwala sa ganitong istilo ng transaksyon at alamin muna ang legalidad ng mga taong kanilang katransaksiyon.
Samantala, pursigido ang Integrated Bar of the Philippines (IBP)-Davao Chapter na kasuhan ang mga suspek dahil posible umanong marami nang nabiktima ng mga ito.
Nilinaw ng IBP na mga abogado lamang ang nagsasagawa ng proseso ng annulment. (DONDON DINOY)
196 