CAVITE – Arestado ng Cavite Police ang isang 20-anyos na incumbent SK councilor at miyembro ng Pangandag drug group at nasamsam ang tinatayang P360,000 halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Bacoor City sa lalawigang ito.
Kinilala ni Cavite Police Provincial Office (CPPO) director, P/Col. Marlon Santos ang suspek na si Alimar Bayamba, Sangguniang Kabataan (SK) councilor, isang Muslim at residente ng Brgy. Datu Esmael, Dasmariñas City, Cavite.
Itinuturing din si Bayamba bilang top 6 sa regional drug watch list sa CALABARZON.
Ayon sa ulat, dakong alas-8:00 noong Huwebes ng gabi nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Drug Enforcement Group ng Bacoor City Police Station, sa Brgy. Datu Esmael ng naturang lungsod na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.
Nakumpiska sa suspek ang 53 gramo ng hinihinalang shabu tinatayang P360,000 ang street value.
Ang Pangandag drug group ay nag-o-operate sa Cavite, Laguna at iba pang probinsiya, sa pangunguna ng kanilang lider na si Dirimpasan Pangandag Unte, incumbent barangay chairman at tinaguraiang top 1 sa CALABARZON regional drug list, na inaresto noong Pebrero 2020 sa Naga City. (SIGFRED ADSUARA)
243 