BAGSAK sa kulungan ang dalawang lalaki makaraang nakumpiskahan ng hinihinalang shabu nang sitahin dahil sa paglabag sa ordinansa sa Caloocan City.
Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, sinabi ni Caloocan City police chief, P/Col. Edcille Canals, habang nagpapatrulya ang mga tauhan ng Police Sub-Station (SS5) sa Katarungan St., Brgy. 150 nang matiyumpuhan nila ang dalawang lalaki na walang saplot na pang-itaas habang gumagala sa naturang lugar.
Nang lapitan nila para isyuhan ng Ordinance Violation Receipt (OVR), pumalag ang mga suspek saka tumakbo para tumakas ngunit hinabol ng mga pulis hanggang sa makorner at maaresto.
Nakuha sa mga suspek na kinilalang sina alyas “Christian”, 42, at “Vladimir”, 21, ang dalawang plastic sachets na naglalaman ng nasa 8.9 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P60,520.
Ayon kay Col. Canals, kasong Disobedience to a Person in Authority or Agent sa ilalim ng Article 151 ng Revised Penal Code at paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isinampa nila laban sa mga suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office.
Sa kabilang dako, natiklo ang isang hinihinalang tulak ng droga matapos makuhanan ng mahigit P.2 milyong halaga ng umano’y shabu sa ikinasang buy-bust operation ng pulisya sa Valenzuela City noong Huwebes ng gabi.
Kinilala ni District Drug Enforcement Unit (DDEU) chief, PLt. Col. Timothy Aniway, Jr., angsuspek na si alyas “Ian”, 27, residente ng lungsod.
Ayon kay Lt. Col. Aniway, ikinasa ng kanyang mga tauhan ang buy-bust operation sa koordinasyon sa PDEA, nang magawa ng isa sa mga operatiba ng DDEU na makipagtransaksyon sa suspek na kabilang sa kanilang drug watchlist.
Kaagad dinamba ng mga tauhan ng DDEU ang suspek matapos tanggapin ang marked money mula sa isang pulis na nagpanggap na buyer, sa loob ng isang bahay sa Santos Compound, Bukid St., Brgy. Malinta, dakong alas-10:55 ng gabi.
Nakumpiska sa suspek ang 30 grams ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P204,000, at buy-bust money na ginamit sa operasyon.
Sinampahan ng DDEU ang suspek ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11 sa ilalim ng Article II ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, sa ValenzuelaCity Prosecutor’s Office. (MARDE INFANTE)
