KALABOSO ang isang delivery rider makaraang mahulihan ng marijuana nang sitahin ng mga pulis sa pagmamaneho ng tricycle na walang plaka sa Quezon City noong Huwebes ng umaga.
Kinilala ng Quezon City Police District Station 1 Laloma ang nadakip na suspek na si Paulo Sibug, 20, binata, delivery rider, residente ng Brgy. NS Amoranto, Quezon City.
Nabatid mula kay Pat. Bryan Soriano ng Laloma Police, nadakip ang suspek sa Del Monte Avenue, corner Matutum St., Brgy. Manresa, Quezon City dakong alas-6:45 ng umaga.
Nabatid sa ulat na nagsasagawa ng anti-criminality patrol ang mga pulis ng QCPD Station 1 Laloma, sa pangunguna nina Pat. Ricky Jarabelo at Pat. Jed Allen Dela Mines nang sitahin nila ang suspek dahil sa pagmamaneho ng isang tricycle na walang plaka.
Agad hiningian ng rehistro ng kanyang dalang tricycle ang suspek subalit habang kinukuha ang rehistro at driver’s license ay lumitaw ang dala nitog marijuana na isang bungkos.
Bunsod nito, inaresto ng mga pulis ang suspek na hindi na nakapalag matapos mahulihan ng marijuana.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (PAOLO SANTOS)
