2 NEGOSYANTE TINADTAD NA PARANG BABOY

QUEZON – Isa ang patay habang sugatan ang isa pa makaraang pagtatagain ang dalawang negosyanteng namimili ng baboy sa bayan ng Candelaria sa lalawigang ito, noong Sabado ng gabi.

Ayon sa Candelaria Police, mga tama ng taga sa ulo at katawan ang agarang ikinamatay ng 33-anyos na si Raymond Sandagon Dichoso habang bagama’t sugatan ay nakatakbo ang kasama nitong si Marites Cabiles Elionado, 44-anyos.

Ang dalawa ay kapwa residente ng Brgy. San Cristobal, Calamba, Laguna at dumayo ng pamimili ng baboy sa Candelaria.

Batay sa report ng pulisya, patungo ang dalawa sa malayong sityo ng Dapdapan sa Barangay San Isidro nang harangin ang mga ito ng armadong mga suspek at pagtatagain dakong alas-8:30 ng gabi.

Nakatakbo at nakarating sa lugar ng mga kabahayan ang biktimang si Elionado at nakahingi ng tulong.

Wala nang buhay ang biktimang si Dichoso nang datnan ng nagrespondeng mga barangay official sa lugar ng krimen.

Inaalam pa ng mga pulis ang posibleng motibo sa krimen at kung sino ang mga suspek. (NILOU DEL CARMEN)

146

Related posts

Leave a Comment