CEBU CITY – Dalawa ang nalunod sa magkahiwalay na insidente sa lungsod na ito matapos ang malalakas na pag-ulan noong Miyerkoles ng gabi.
Ayon sa report ng Cebu police, dakong alas-10:15 ng gabi nang matangay ng baha ang isang babae sa Sitio Sapak, Barangay Poblacion, Compostela, Cebu.
Sa cellphone video ng isang netizen, makikita na sinasagip ng mga rescuer sa ilalim ng Guimbal Bridge ang wala nang buhay na biktima.
Kinilala ang biktimang si Flordeliza Matiga Capuno, 50-anyos, nakatira sa gilid ng ilog sa Barangay Canamucan, Compostela, Cebu.
Samantala sa bayan ng Argao, nalunod din ang isang 10-taong gulang na batang lalaki sa Sitio Cambuaya, Barangay Conalum.
Naglalaro umano ang bata sa gilid ng ilog nang bumuhos ang malakas na ulan at biglang lumaki ang tubig naging dahilan upang matangay ng agos ang biktima.
(NILOU DEL CARMEN)
