KALABOSO sa Manila Police District – Ermita Police Station 5, ang dalawang ‘tirador’ umano ng motorsiklo na may sidecar o “Toktok” makaraang maghain ng reklamo ang 22-anyos na “Toktok” driver sa Intramuros, Manila noong Lunes ng umaga.
Inaresto sa isinagawang “Oplan Galugad” ng mga tauhan ng Intramuros Police Community Precinct, sakop ng Station 5, ang mga suspek na sina alyas “Daniel”, 17, at alyas “Carlo”, 16, kapwa residente ng Tondo, Manila.
Ang dalawa ay kapwa nahaharap sa kasong attempted carnapping at attempted homicide.
Base sa ulat ni Police Corporal Clonjecz Correa at Police Corporal Lorren Hope Lardizabal, bandang alas-8:30 ng umaga nang tangayin ng mga suspek ang motorsiklong Bajaj na may sidecar sa A. Soriano St., Intramuros, sa Brgy. 656.
Isang binata ang agad na nagsumbong sa PCP na mabilis namang umaksyon at agad na nadakip ang mga suspek.
(RENE CRISOSTOMO)
