2 TRAFFIC ENFORCERS SA MAYNILA SINIBAK SA PANGONGOTONG

DALAWANG traffic enforcers ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang agad na sinibak matapos ang pangongotong sa driver ng isang truck sa kahabaan ng A.H. Lacson Avenue sa España, Maynila.

Nakasaad sa memorandum na inaprubahan ni Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso na inaatasan ang dalawang enforcer na tumigil na sa pagpatupad ng tungkulin dahil sa kanilang pangongotong.

Nakunan ang pangyayari ng isang bystander at agad na nag-viral sa social media.

Ayon kay MTPB Director Dennis Viaje, ang maling pag-uugali ng naturang mga enforcer ay hindi lamang nakakaapekto sa moral ng kanilang mga kasamahan, kundi nagdudulot din ng labis na kahihiyan sa buong organisasyon ng MTPB.

Inatasan ni Viaje ang dalawa na isuko na sa kanya ang uniporme at identification cards para sa tamang disposisyon.

Muli namang iginiit ng alkalde ang ‘One strike policy’ kung saan hindi na pagbibigyan pa ng pangalawang pagkakataon ang mga abusadong tauhan ng city hall.

Samantala, ininspeksiyon ng alkalde ang Infanta bridge sa Velasquez, Tondo Maynila.

Dito ay personal na nasaksihan ng alkalde ang inaanod na mga basura na nagmumula sa mga estero at kanal sa paligid ng Velasquez.

Inabutan pa ni Mayor Isko ang mga tauhan ng Department of Public Safety (DPS) na namimingwit sa mga basura na karamihan ay mga plastic, styro, mga basyo ng bottled water at iba pa.

Ayon sa alkalde, malaking tulong ang inilagay na trash trap gayundin ang mga DPS na nakatutok sa paglilinis sa ilog upang hindi tuluyang anurin sa Manila Bay ang mga basura.

(JOCELYN DOMENDEN)

48

Related posts

Leave a Comment