6 KATAO ARESTADO SA ILLEGAL QUARRY

0

PINAHINTO ni Environment Secretary Roy Cimatu ang lahat ng aktibidades sa pagka-quarry sa Lian, Batangas matapos malaman na wala itong permit mula sa lokal na pamahalaan.

Anim ang inarestong indibidwal noong Hunyo 24 dahil sa pagsasagawa ng quarry nang walang kaukulang dokumento mula sa gobyerno.

Sinabi ni Cimatu, bagama’t mayroong Special Permit to Transport and Dispose mula sa Batangas Provincial Environment and Natural Resources Office, wala naman itong permit mula sa bayan ng Lian.

Wala rin umanong naipakitang permit mula sa DENR-Mines and Geosciences Bureau sa Calabarzon na nagsabing walang valid Mineral Production Sharing Agreement MPSA ang naipagkaloob mula sa nasabing bayan.

Sinabi pa ni Cimatu, pagkakadakip sa anim na trabahador sa quarry ay nagpapatunay na ang DENR ay patuloy sa pagsugpo ng illegal na aktibidades.

“Despite the health crisis, we laud the continuing endeavors of the men and women serving the Environmental Law Enforcement and Protection Service to apprehend the culprits,” ani pa ni Cimatu.

Ang DENR-ELEPS, kabilang ang Environment Crime Division ng National Bureau of Investigation, Armed Forces of the Philippines at DENR Mines and Geosciences Bureau Calabarzon ay nagsanib-pwersa upang beripikahin at hulihin ang napaulat na patuloy ang pagsasagawa ng quarry sa Sitio Matuod, Brgy. Binubusan sa Lian bagama’t nagpalabas na ng cease and desist order laban sa may-ari nito na si Francis Limjoco III.

Kumpiskado ang apat na unit ng backhoe, limang dump trucks, at minerals andesite na klase ng bato mula sa bulkan na tinatayang halos P32,038,500 ang halaga.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 104 ng Republic Act 7942 o Philippine Mining Act of 1995 ang mga arestadong sina Rodel Marinduque, Francis Dacuya, Claudio Tamayo, Jovencio Malabanan, Roger Betonia at Sonny Marinduque. (CYRILL QUILO)

Read More

MAG-TIYUHIN TODAS KAY LOLO

0

CAVITE – Patay ang isang 47-anyos na lalaki at nadamay ang kanyang 15-anyos na pamangkin nang pagbabarilin ng kanilang lolo matapos na magtalo dahil sa linya ng tubig na dumaan sa bahay ng huli sa Gen. Trias City noong Sabado ng umaga.

Hindi umabot nang buhay sa Gentri Doctors and Gentri Medical Hospital ang mag-tiyuhin na sina Alfredo Alcaraz y Javier, at alyas Yumiko, 15, kapwa residente ng Brgy. Javalera, Gen. Trias City habang arestado naman sa follow-up operation ang suspek na si Alfredo Javier ng nasabi ring lugar.

Ayon sa ulat ni P/SSgt. Jayson Olivar ng Gen. Trias City Police, dakong alas-10:00 ng umaga nang mangyari ang insidente.

Nagtungo umano ang suspek sa bahay ng mga biktima na nasa loob lamang ng compound sa Brgy. Javalera ng naturang lungsod.

Kinompronta umano ng suspek ang biktima hanggang sa nagkaroon ng mainitang pagtatalo at nagbunot ng .45 kalibre ng baril si Javier at pinagbabaril si Alcaraz.

Pitong bala ang tumama sa katawan ni Alcaras habang tinamaan ng dalawang bala ang binatilyo.

“Pinuntahan ng suspek ang biktima hinggil sa ibinaon na linya ng tubig na dumaan sa harapan ng kanyang bahay at ipinapatanggal ito,” ayon kay Olivar.

Tumakas ang suspek ngunit nadakip sa isinagawang follow-up operation ng Manggahan COMPAC sa Brgy. Panungyanan, Gen. Trias City. (SIGFRED ADSUARA)

Read More

DRIVER NIRATRAT NG PINSAN, PATAY

0

BATANGAS – Patay ang isang tricycle driver matapos na pagbabarilin ng kanyang pinsan sa bayan ng Balete sa lalawigang ito, noong Sabado ng umaga.

Kinilala ng Balete Police ang biktimang si Marlon Linatoc, 37, residente ng Barangay Malabanan.

Batay sa report ng pulisya, dakong alas-8:30 ng umaga, nakaupo sa kanyang tricycle ang biktima na nakaparada sa isang basketball court nang lapitan ito ng kanyang pinsan na si David Linatoc Jr., 54, kabarangay ng biktima.

Bigla na lamang nagbunot ng baril ang suspek at walang habas na pinagbabaril ang pinsan na tinamaan sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Dead on the spot ang biktima habang agad namang tumakas ang suspek.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang posibleng motibo sa krimen at pinaghahanap ang suspek. (NILOU DEL CARMEN)

Read More

P1.6-M SHABU NADAKMA SA PAROLADO

0

BATANGAS – Tinatayang P1.6 milyong halaga ng shabu ang nadakma mula sa isang dating New Bilibid Prison inmate sa operasyon ng mga awtoridad sa Batangas City noong Biyernes ng gabi.

Batay sa report ng Batangas Provincial Police Office (BPPO), ikinasa ng mga tauhan ng OPD-DEU, PIU BPPO at Batangas City Police ang buy-bust operation kay Joseph Alvarez, sa Sitio Pulo, Brgy. Balagtas dakong alas-9:00 ng gabi.

Matapos ang transaksyon, inaresto ang suspek at narekober mula rito ang isang sachet na naglalaman ng shabu na may timbang na 250 gramo at tinatayang P1,625,000 ang halaga.

Ayon sa impormasyon, si Alvarez ay bigtime drug pusher na sangkot sa illegal drug trade sa lalawigan ng Batangas.

Dati na itong naaresto noong 2016 dahil sa kasong illegal drugs at illegal firearms at nakulong sa NBP mula 2018 hanggang 2020.

Kalalaya pa lamang nito noong Disyembre 2020 matapos mabigyan ng parole. (NILOU DEL CARMEN)

Read More

17 NPA SA MASBATE SUMUKO SA PNP-PRO5

0

TUNGO sa pangmatagalang kapayapaan ay patuloy ang pagpupursige ng PNP-PRO5, katuwang ang Philippine Army Southern Luzon Command, upang hikayatin ang mga kasapi ng New People’s Army na magbalik-loob at tanggapin ang mga benepisyo at tulong ng pamahalaan para sa kanilang pagbabagong buhay.

Sa huling tala ng Bicol PNP, sa pamumuno ni Regional Director P/BGen. Jonnel C. Estomo, 17 miyembro ng NPA ang sumuko nitong nakalipas na linggo sa pinagsamang mga tauhan ng Aroroy MPS; PIU Masbate; Masbate 1st PMFC; 96MICO; 2nd Infantry Battalion PA 93RD CMO COY; 9CMO Battalion, Army 9ID; CMO Southern Luzon; RIU-PIT5-Masbate at 9th SAB, PNP SAF.

Ang pagbabalik-loob ng mga dating rebelde ay isinagawa habang nasa kasagsagan ng pagsasagawa ng Situational Awareness and Knowledge Management o SAKM sa Brgy. Balete at Brgy. Concepcion sa Aroroy, Masbate.

Ang SAKM ay isang inisyatibo ng NTF ELCAC na naglalayong magbigay ng malawakang impormasyon sa mamamayan patungkol sa baluktot na ideolohiya, makasarili at hindi makataong pagkilos ng mga NPA.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, ang mga sumuko ay pawang mga kasapi ng Platoon 3, Larangan 1, Komite ng Probinsya 4; at Militiang Bayan na nakatuon ang operasyon sa timog na bahagi ng Masbate.

Kasama sa kanilang isinuko ang isang kalibre .45 pistola, SN 1072531 Armscor; isang kalibre .45, SN 375663 Colt; isang kalibre .45, SN 958161, STI; isang kalibre .45, SN 722635 Kimber; tatlong kalibre .38 rebolber; isang KG9 submachine gun na may serial number 14357; at pitong homemade shotgun.

Sumailalim sa debriefing ang mga sumuko at ang mga ito ay mabibigyan ng tulong sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E CLIP) para sa kanilang pagbuo ng panibagong yugto ng kanilang buhay na malayo sa madugong armadong pakikibaka.

“Buong puso naming tatanggapin at pasasalamatan ang mga kapatid nating minsan nang nalihis ng landas. Ang inyong pagbabalik-loob sa ating pamahalaan ay isang patunay ng inyong hangaring matahimik at magkaroon ng mas maunlad na komunidad. Ang PNP Bicol kasama ang kasundaluhan ay titiyaking sabay-sabay nating haharapin ang panibagong bukas na mas tahimik at mapayapa. Walang imposible ‘pag tayong lahat ay nagkakaisa, sama-sama nating tuldukan ang insurhensya sa ating rehiyon,” pahayag ni Regional Director Brig. General Estomo. (JESSE KABEL)

Read More

Star-studded delegation, ipadadala ng Pilipinas sa Tokyo Olympics

0

LIMAMPU at pitong taon na ang nakalilipas (1964) nang ang Pilipinas ay unang nagkamit ng medalyang pilak sa Olimpiyada sa kagandahang loob ng boksingerong si Anthony Villanueva, na tinalo ng Rusong si Stanislav Stepaski sa kontrobersiyal na desisyon sa finals ng featherweight division para sa gold medal na ginanap sa tanyag na Korakuen Stadium sa Tokyo.

Kauna-unahang pagkakataon na ang pangunahing siyudad ng bansang Hapon ay naging lupong abala sa ­Olimpiyada na noon ay nasa XVII edisyon. ­Unang pagkakataon din iyon na ang isang bansang Asyano ay nakapag-host na kada apat na taong pandaigdig na palaro na kilalang “The Greatest Sports Show On Earth.”

Tatlumpu at dalawang taon mula nang nakasuntok ng Olympic silver medal si Villanueva, nasundan ito ng isa pang pilak mula sa Light flyweight na si Mansueto “Onyok” Velasco sa ika-100 taon ng makabagong Olympics sa Atlanta. Naging kontrobersiyal din ang bigong gold medal ng ‘small but terrible’ na boksingero.

At noong 2016 sa Rio de Janeiro, dinuplika ng weightlifter sa 53-kilogram na dibisyon na si Hidilyn Diaz ang nagawa nina Villanueva at Velasco.

Pangungunahang muli ni Diaz ang tinaguriang “star-studded” delegation ng bansa na binubuo ng dalawang pandaigdig na kampeon sa boksing, isang kampeon sa mundo sa gymnastics, U.S. Women’s Open golf champion at isang itinuturing na “hottest property” ng Philippine athletics. Hinuhulaan ng ilang opisyal sa sports, sa ­pangunguna ni Philippine Olympic Committee president Abraham “Bambol” Tolentino, may sapat na kapasidad ang mga nabanggit na putulin ang 96 taon nang pagkauhaw ng sambayanan sa first Olympic gold medal.

Bukod kay Diaz, kumpiyansa si POC prez Bambol, pangulo rin ng cycling federation at kongresista ng Cavite, kina middleweight Eumir Marcial at featherweight Nesthy Petecio na kapwa kampeon sa kanilang dibisyon sa mundo; floor exercise world champ Carlos Yulo; U.S Women’s Open golf winner Yuka Saso; at Asian pole vault champ at record-holder EJ Obiena bilang “best shots” for Olympic gold.

Sila at iba pang Pinoy na nakapasok sa Tokyo Summer Games ay magtatangka para sa mailap na Olympic gold: Irish Magno at Carlo Paalam sa boksing, skateboarder Margielyn Didal, shooter Jayson Valdez, golfers Juvic Pagunsan at ­Bianca Pagdanganan, ­weightlifter Elreen Ando, swimmers Remedy Rule at Luke Gebbie, karate jin Kurt Barbosa, judoka Kiyomi Watanabe, rower Cris Nievarez, at sprinter Kristina Knott.

Ang ibang maaaring hindi sinuwerteng makapag-uwi ng kampeonato pero walang dudang magagaling din dahil ­nabigyan ng tiket papuntang ­Tokyo, ayon kay Tolentino.

“This is a star-studded team going into Tokyo and perhaps the best shot we have,” sabi rin ni Obiena sa isang interbyu sa telebisyon.

“We have Hidilyn, who’s already won silver in 2016, Nesthy Petecio and Eumir, both world champions in boxing, Caloy, who’s a world champion, too. And you have those other qualifiers. They’re not qualified because they’re not good, they’re qualified because they’re ­really good and they deserve to be there,” dagdag ni Obiena.

“Hopefully, this year we get the elusive gold for the country and bring some home back, and bring some happiness to the nation that’s greatly in need of that,” sabi pa ng anak nina dating pole vaulter din na si Emerson at ­hurdler na si Jeanette.

Labinsiyam na araw na lamang at magsisimula na ang Olimpiyada, subalit umaasa pa rin si Cong. Bambol na may ilan pang Filipinong mabibigyan ng karapatang maging Olympian.

Read More

CASIMERO-RIGONDEAUX ULIT

0

BALIK si Cuban boxer Guillermo Rigondeaux bilang challenger ni John Riel Casimero sa Agosto 14 sa Carson, California, taya ang World ­Boxing Organization (WBO) bantamweight crown ng Pinoy champion.

Kinumpirma ni Sean Gibbons, president ng MP Promotions, tuloy na ang laban (Casimero-Rigondeaux) na naunang ikinasa, matapos umatras si WBC champion Nonito Donaire sa dapat sana’y unification fight ng dalawang Pinoy champion.

Isang linggo matapos ihayag ang sagupaang Donaire-Casimero bout, nag­-palitan ng atake sa social media ang magkabilang kampo, na una’y may kinalaman sa VADA (Voluntary Anti-Doping Association) ­test­ing at nauwi sa personalan, kung saan sa pamamagitan ng twitter at facebook ay inihayag ni Donaire, na hindi na matutuloy ang laban bunga umano ng pambabastos at kawalang respeto sa kanyang manager/trainer at asawang si Rachel ng kampo ni Casimero.

Bago nagtungo sa USA, nagti-training na si Casimero para sa laban kay Rigondeaux.

At nang ihayag ang Casimero-Donaire unification match, nagbigay-daan ang two-time Olympic gold medalist na si Rigondeaux (20-1-1, 13 KOs).

Ikalawang title defense ito ni Casimero matapos ang third-round knockout win kay Zolani Tete noong Nobyembre 2019.

Sa kanyang unang depensa, Septyembre 2020, tinalo niya via knockout si Duke Micah sa third round.

Bago ang Micah fight, naikasa na muna ang laban ni Casimero kay Japanese unified champion Naoya ­Inoue noong Abril 2020, subalit bunga ng ­pandemya, ilang beses nakansela ang laban, hanggang tuluyan na itong na-scratch sa kalendaryo.

Sa panig naman ni Donaire, sinasabing hahamunin nito ng rematch si Inoue.

Kung matatandaan, ­Nobyembre 2019, tinalo ni Inoue via unanimous decision si Donaire sa finals ng WBS sa Japan. (VT ROMANO)

Read More

SUNS-BUCKS SA NBA FINALS

0

Ni VT ROMANO

NAGHINTAY ng 47 taon ang Milwaukee Bucks para muling makarating sa NBA Finals.

Linggo (Manila time) kahit absent ang superstar na si two-time MVP Giannis Antetokounmpo, tinalo ng Bucks ang Hawks, 118-107 sa Game 6 ng Eastern ­Conference finals sa Atlanta.

Umiskor si Khris Middleton ng 32 points, kasama ang 16 sunod na puntos sa third period, na naging turning point ng laro, upang pangunahan ang Bucks.

Isinara ng Milwaukee ang series, 4-2 at umabante sa NBA Finals kontra Suns.

Sa Miyerkoles (Manila time) ang Game 1 sa Phoenix.

“It’s sweet,” lahad ni Milwaukee coach Mike Budenholzer, na dating coach ng Hawks. “These guys have put the work in all year. They deserve to go to the finals. I couldn’t be more proud of them. I love coaching them. We’ve got more work to do.”

Makalipas ang pagliban ng dalawang laro sanhi ng bone bruise sa kanang paa, bumalik si Trae Young sa Game 6, ngunit hindi masyadong naramdaman ang kanyang presenya.

Kapwa nangapa ang ­dalawang team sa first half, nang halos hindi sumasablay ang Bucks pagsapit ng third quarter, partikular si Middleton.

May tsansa sana ang Atlanta na makuha ang lead mula sa behind the back pass ni Young kay Kevin Huerter para sa 3-pointer. Hindi pumasok ang bola at umarangkada si Middleton at kinuha ang sumunod na 13 points tungo sa 60-45 lead ng Milwaukee.

Sinubukan ni Young na ihabol ang Hawks sa pamamagitan ng driving basket, subalit rumesbak naman si Middleton ng 3-pointer na nagbigay sa kanya ng 16 straight points.

Tinapos ni Middleton ang quarter na may 23 points, halos na-outscore niya ang buong Hawks. May 29 points lang ang Hawks, papunta sa final quarter habang tangan ng Milwaukee ang 91-72 lead.

Nagdagdag si Jrue Holiday ng 27 points sa Bucks. Nagsumite si Cam Reddish, halos hindi nakalaro sa season bunga ng achilles injury ng 21 points (off the bench), kasama ang 6-of-7 3 pointers.

Sa pagpasok sa finals, ginunita ang maagang taon ng Milwaukee nang maging sentro ng NBA world sa pangunguna nina Kareem Abdul-Jabbar at Oscar Robertson.

Sa ikatlong season ng Milwaukee, sina Abdul-Jabbar at Robertson ang namuno sa natatangi nitong NBA title noong 1971.

Makalipas ang tatlong taon, muling nakapasok sa East finals ang team, pero tinalo ng Boston Celtics.

Nagretiro si Robertson ma­tapos ang season, habang si Abdul-Jabbar ay nalipat sa Los Angeles Lakers, at doon natapos ang pagiging elite franchise ng Milwaukee.

Read More

NAT’L CHAMPIONSHIP TRIALS FOR DOWNHILL SA DANAO

0

IKINASA ng Integrated Cycling Federation of the Philippines (PhilCycling) ang 2021 National Mountain Bike Championship Trials for Downhill sa Agosto 27-29 sa Danao City sa Cebu.

Ipinahayag ni PhilCycling MTB Chairman Boying Rodriguez, ­handa na ang lahat para sa ­ikalawang disiplina ng pederasyon at mga bagong ­magrerepresenta sa bansa sa downhill event sa international tournaments.

Nauna rito, noong Hunyo 11-13 ay isinagawa ang 2021 Philippine National MTB XCO (Cross Country).

Sanctioned ng Union Cycliste Internationale (UCI), ang international cycling governing body, target ng downhill trials na makahanap ng mga bagong miyembro ng pambansang koponan para sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam.

Isasagawa naman sa susunod na linggo ang qualifiers para sa road race sa Subic, Zambales.

Para sa mga nagnanais sumali, magsign-up sa http://bit.ly/mtbdhi2021 o tawagan si Reyna via 0927.888.8482 (8am-5pm only) o mag-message sa DCSC Cycling Team sa Facebook para sa iba pang detalye. (ANN ENCARNACION)

Read More