PSC NAGHAHANDA NA SA 2022 BP, PNG

0

NGAYON pa lang ay pinaplano na ng Philippine Sports Commission (PSC) ang pagbabalik ng mga grassroots sports development program nito na nakansela dahil sa COVID-19 pandemic.

Sinabi ni PSC Commissioner Ramon Fernandez, hindi ­maaaring pabayaan ng ­ahensiya ang sports development ng mga kabataang atleta ng bansa.

“We are really affected by the pandemic kaya lahat ng mga project at program ng PSC ay ­na-shelve almost two years ago na,” pag-amin ng chef de mission ng Team Pilipinas sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, ­Vietnam.

Ngunit nagsasagawa na sila ng coordination meetings para sa Batang Pinoy at Philippine National Games, ang dalawang pangunahing torneo ng ahensiya na nakatutok sa pagdiskubre ng mga de-kalidad na batang atleta, sa susunod na taon.

Huling nakapagsagawa ng Batang Pinoy noong 2018 sa Baguio City, habang sa parehong taon din ang PNG sa Cebu City naman.

Tampok sa Batang Pinoy ang mga kabataang atleta na edad 15-anyos pababa, habang ang PNG ang nagsisilbing qualifying tournament nila para makapasok sa national team.

Ilan pa sa mga programa ng PSC na naapektuhan ng ­pandemya ang Philippine Sports Institute, Women in Sports, Laro’t Saya Sa Parke, ­Indigenous Peoples Games, Pilipinas Para Games, UNICEF model sa grassroots na ­Children’s Games, Philippine Sports Hall of Fame at National Sports Summit. (ANN ENCARNACION)

Read More

TULOY ANG LABAN! – MANNY PACQUIAO

0

Ni EDDIE ALINEA

TINIYAK ni eight world division champ Manny Pacquiao na tuloy ang laban niya kontra Errol Spence Jr.

Katunayan, nitong Sabado ay bumiyahe si Pacquiao at kanyang training team patungong Los Angeles, California kung saan ipagpapatuloy ang kanyang paghahanda para sa darating na laban sa undefeated American boxer.

Maghaharap ang dalawa sa 12-round welterweight (147 lbs) unification bout sa Agosto 21 sa T-Mobile Arena sa Las Vegas.

Si Spence ang kampeon ng International Boxing Federation at World Boxing Council, habang napaulat na ibabalik na ng World Boxing Association ang korona ni Pacquiao, na kanilang tinanggal dahil sa ‘inactivity’ o kawalan ng laban dulot ng COVID-19 pandemic.

Huling umakyat sa ring si Pacquiao noong Hulyo 2019 kung kailan ipinalasap niya kay Keith “One Time” Thurman ang kauna-unahang pagkatalo nito via split decision (113-114, 115–112, 115–112).

Nagsimulang mag-training muli ang ‘fighting senator’ mahigit tatlong linggo na ang nakararaan sa Pacman Boxing Gym sa ­General Santos City. Itutuloy niya ang ensayo sa Wild Card Gym ni training consultant Freddie Roach sa Hollywood.

Noong nakaraang linggo ay idinemanda si Pacquiao ng breach of contract ng Paradigm Sports para pigilan ang boxing match nila ni Spence.
Habol din ng Paradigm ang $3,300,000 umano’y ibinigay na paunang bayad sa Pambansang Kamao para sa hindi natuloy na laban nito kay four-division boxing champion Mikey Garcia.

Ngunit iginiit ni Pacquiao na wala siyang kontrol sa nakatakda niyang unification bout.

“I have already been training for the fight the past one month or so kung kaya’t imposibleng sa akin manggaling ang kahilingang patigilin ang laban,” ani Pacman sa reporter na ito.

NABALAM NA PAGLIPAD

MULA sa Haneda Airport sa Japan, bumalik sa Pilipinas ang eroplanong sinasakyan ni Senator Manny Pacquiao patungong Los Angeles dahil sa isang kapwa pasahero na may sakit.

Nabatid na kabilang ang senador at kanyang training team sa 186 na sakay ng PAL Boeing 777 aircraft na bumalik kahapon (Linggo) sa Manila Airport bago mag-12nn dahil sa isang pasahero na may diabetes.

Inilipat sa ibang eroplano si Pacquiao at iba pang mga pasahero at natuloy din ang kanilang LA flight ng 2pm.

Read More

INILUNSAD NA ANG PROGRAMANG PAGBABAKUNA NG MVP GROUP

0

NOONG ika-27 ng Hunyo, opisyal nang inilunsad ng MVP Group, sa pamumuno ng negosyante at pilantropong si Manny V. Pangilinan, ang kanilang programang pagpapabakuna para sa mga empleyado nito na may kabuuang bilang na 60,000.

Noong Biyernes, ika-2 ng Hulyo ay inilunsad ang programa sa pangangasiwa ng MVP Group Vaccine Task Force.

Matapos ang maikling programang idinaos sa Meralco Compound sa Lungsod ng Pasig, namahagi rin ng bakunang gawa ng ­Moderna sa unang batch ng mga ­empleyadong miyembro ng MVP Group.

Ang Meralco Compound ay isa lamang sa mga lugar sa NCR na napili ng grupo na isagawa ang pamamahagi ng bakuna.

Sa susunod na linggo, inaasahang bubuksan din ang iba pang pasilidad gaya ng PLDT Sta. Ana sa Manila, Smart Tower sa Makati, Maynilad Balara sa Quezon City, at NLEX Sta Rita sa Bulacan.

Para naman sa mga lugar na nasa labas ng NCR, gagamitin ng Vaccine Task Force ang kumbinasyon ng MPPHI, iba pang pasilidad ng grupo at mga piling mall sa bansa.

Ang bawat napiling pasilidad ay tatauhan ng mga frontliner mula sa Metro Pacific Hospitals Holdings Inc. (MPHHI), ang ­pinakamalaking pribadong healthcare network sa bansa na miyembro rin ng MVP Group.

Inaasahang aabot sa 700 hanggang 1,350 na mga empleyado ang mababakunahan kada araw.

Ayon sa mga nauna nang anunsyo ng grupo, ito ay bumili ng 300,000 dosis ng bakuna mula sa Moderna at ­AstraZeneca.

Kasama sa nasabing bilang ang mga bakuna na maaaring ilaan sa pamilya at kasama sa bahay ng mga empleyado.

Ipinahayag ni Pangilinan na “Inoculating the population from the virus does not just ­reduce the number of infections and deaths—but minimizes the possibility of new mutations and variants, taking us a step closer towards the paramount goal of herd immunity”.

Ang MVP Group Vaccination Program ay kaisa ng programang pagpapabakuna ng pamahalaan.

Noong unang bahagi ng taon, inialok ng grupo sa mga lokal na pamahalaan ang kapasidad ng mga malalaki nitong ospital sa NCR.

Bilang resulta, nakamit ang 98% na antas ng nabakunahang frontliner noong Marso.

Ngayong panahon ng krisis ay lubhang mahalaga ang pagkakaisa sa pagitan ng pamahalaan at pribadong sektor.

Upang masiguro ang mabilis na pagbangon ng ­ating bansa mula sa epekto ng pandemya, kinakailangang makamit ang herd immunity.

Nawa’y palaging ­manaig ang diwa ng malasakit at ­bayanihan sa bawat isa, lalo na ngayong tayo ay nasa panahon ng krisis.

Read More

P1-M SUHOL SA BI-NAIA OFFICIALS PARA SA 3 CHINESE NA HINARANG?

0

MATAPOS ang matapang na pahayag ni Senador Manny Pacquiao na baka mahilo ang pangulo sa dami ng katiwalian sa ­gobyerno ay nakiisa naman ang ilan ­nating mga kababayan upang ipa-rating natin sa senador ang garapalang korapsyon sa Bureau of Immigration (BI) na nakabase sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Noong June 9, tatlong Chinese nationals ang lumapag sa NAIA Terminal 3 flight No. SY8301 na hinarang ng immigration at naisama sa listahan ng excluded passengers na sina Luo Zhiping, Yang Weirin at Zhou Qiang.

Sumunod na araw, sumulat ang kanilang kumpanyang Philippines Fiber Optic Cable Network Inc. upang hilingin na maglabas ng “Recall of Exclusion Order” si BI Commissioner Jaime Morente dahil ang mga ito umano ay mga engineering technician ng kumpanya, ngunit sa parehong araw din ay naglabas ang tanggapan ni Morente na “denied” ang kahilingan kahit ang mga nasabing Chinese ay mayroong exemption ng travel suspension na ipinalabas naman ng National Task Force against COVID – 19 na pirmado ng isang Usec. Isidro Purisima.

Ngunit, bakit kung ganu’ng kabilis maglabas ng denial order ang tanggapan ni Morente ay bakit nagtagal ng ilang araw at hanggang kasalukuyan ay naka-hold pa rin sa airport ang mga Chinese at hindi pa pinabalik sa China?

Ayon sa ating source, noong June 30 ay isang Immigration Assistant ng Border Control Intelligence Unit (BCIU) ng BI ang nakipag-usap umano sa kinatawan ng mga Chinese na kaya nitong papasukin ang mga excluded passengers kapalit ng P1 ­milyon.

Dahil sa pagtitiwala sa matamis na pananalita umano ni alyas “GL” ay ibinigay sa kanya sa labas ng Terminal 3 ang paunang bayad na P600k at ang balanseng P400k ay kapag natapos na ang transaksyon.

Hanggang sa kasalukuyan, naka- hold pa rin ang tatlong Chinese sa T3 kahit nakapag bayad na ng suhol sa tauhan ng BI sa airport.

Kamakailan, ating ibinisto ang raket ni GL sa airport, ngunit hanggang ­kasalukuyan ay nakapapangbiktima pa rin ito ng mga dayuhan.

Sino kaya ang mga opisyal ng BI ang nakikinabang kay GL at ganito na lamang kalakas ang kanyang loob?

Ang BCIU at TCEU ay under ng BI Chief Intelligence at ni Comm. Morente.

Sir, kung hindi mo ­sisibakin ang taong ito at si alyas “Macho Chiquito”, baka isipin ng mga tauhan mo na pati ang nasa loob ng ilong mo ay corrupt.

oOo

Para sa inyong Sumbong at Reaksyon, itext lamang ako sa 09158888410.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

Read More

ABS – CBN, KIKILOS LABAN KAY SARA

0

MASASABING matinding pampanguluhang halalan ang magaganap sa susunod na taon dahil pihadong mayroong tutulong sa sinomang kandidatong tatapatan si Davao City Mayor Sara Duterte – Carpio.

Kung hindi si Sara D. Carpio, siguradong gagawin pa rin ng makakalabang kandidato ni Pangulong Rorigo Duterte ang lahat ng paraan upang matalo nito ang huli sa eleksyon.

Pokaragat na ‘yan!

Kahit sino kina Bise – Presidente Maria Leonor Robredo, Mayor Isko Moreno at Senador Emmanuel Pacquiao ay siguradong susuporta ang mga malalaking negosyante upang matiyak ang panalo ng gusto nilang pangulo na ipapalit kay Duterte.

Walang bago sa suporta ng mga negosyante dahil ­simula kay Corazon Cojuangco – Aquino hanggang kay Duterte ay ginawa nila ito.

Kabilang ang pamilya Lopez sa mga negosyanteng nagbibigay ng suporta sa napili nitong kandidato laban sa ­kandidato ng administrasyon.

Sa halalang magaganap sa pagkapangulo ng bansa sa Mayo 2022, napakalakas ng aking paniniwalang aktibong susuporta at kikilos ang pamilya Lopez sa kandidatong maggaganrantiya sa kanila na maibabalik sa ere ang telebisyon at radyo ng ABS – CBN Corporation.

Malaking pera ang nawala sa ABS – CBN mula nang ipinatigil ang operasyon nito.

Kahit na nagpatuloy ang operasyon nito, sa pamamagitan ng online, iba pa rin kung nasa ere ang ABS – CBN dahil walang dudang sobrang laki ng kita nila kada buwan kumpara sa online.

Dahil sa nangyaring ­pagharang ng isang komite ng Kamara de Representantes sa panibagong 25 – taong prangkisa ng ABS – CBN, lumaki pa nang husto ang kita ng GMA Network at nagkaroon ng oportunidad ang TV 5 na magsimulang magkaroon ng pagkakataong kumita ito, sa wakas.

Kaya, naniniwala akong masusing sinusubaybayan ng pamilya Lopez, partikular ang liderato ng ABS – CBN Corporation ang nagaganap sa politika sa kasalukuyan.

Pokaragat na ‘yan!

Kumbinsido akong kahit malayo pa ang paghahain ng certificates of candidacy (COC) ay pinang-aaralan na ng pamilya Lopez at liderato ng ABS – CBN kung sino sa mga posibleng kandidato sa ­pagkapangulo ang susuportahan nila laban kay Sara D. Carpio, o sinoman sa ­kandidato ni Pangulong Duterte.

Kung si Senador Christopher “Bong” Go ang pambato ng administrasyon, o ng Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP – Laban), e di mas magaling, sapagkat madaling talunin ang taong ito kahit si Duterte pa ang bise – presidente nito.

Kung ako ang tatanungin, pagpipilian ng pamilya Lopez sina Moreno at Pacquiao dahil maganda ang iskor ng dalawang ito sa mga sarbey.

Hindi problema ang makinarya dahil siguradong ­magkakaroon ng makinarya ang kandidatong ­susuportahan ng pamilya Lopez upang masiguradong mayroong mga taong kikilos para sa kanilang kandidato sa lahat ng panig ng bansa, lalo na iyong mga lalawigang mayaman sa boto tulad ng Pangasinan at Cebu.

Kaya, ang pamilya Lopez, o sinomang angkan ng mga oligarko, ay susuporta sa siguradong mananalo sa halalan upang hindi sayang ang perang ilalabas nila.

Read More

LGUs, PRIVATE SECTOR PINASASAMA SA IATF

0

HINILING ni Senador Francis “Tol” Tolentino sa pamahalaan na isama sa pamunuan ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases ang Union of Local Authorities in the Philippines (ULAP) and the Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) upang magkaroon ng synchronize approach sa lahat ng patakaran hinggil sa COVID-19 pandemic.

Sa panayam, iginiit ni Tolentino, chairman ng Senate committee on local government na dapat magkaroon ng boses ang lahat ng pamahalaang panlalawigan sa buong bansa kabilang ang iba pang local government units at pribadong sektor sa pinakamataas na policy making body ng pamahalaan na nakikipaglaban sa pandaigdigang krisis sa kalusugan.

Partikular na tinukoy ni Tolentino ang pamahalaang panlalawigan ng Cebu na may kakaibang quarantine protocol sa mga dumarating na pasahero sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA)— na swab upon arrival policy – na nagpapaluwag sa kanilang pasanin at gastusin dahil maraming OFWs ang nawalan ng trabaho sa abroad sanhi ng pandemya.

Sinabi pa ni Tolentino na dapat kilalanin ng pambansang pamahalaan ang inputs ng LGUs at pribadong sektor dahil sila ang nakakaalam sa aktuwal na sitwasyon sa kanilang nasasakupan. (ESTONG REYES)

Read More

SEXUALITY EDUCATION KONTRA TEENAGE PREGNANCY

0

KASUNOD ng executive order ng Malacañang na nagdedeklarang gawing isang prayoridad ang pagsugpo sa teenage pregnancy o maaagang pagbubuntis, binigyang -diin ni Senador Win Gatchalian ang kahalagahan ng pagtugon sa mga kakulangan ng comprehensive sexuality education (CSE).

Mandato kasi ng Responsible Parenthood and Reproductive Health (RPRH) Act of 2012 (Republic Act 10354) ang pagkakaroon ng angkop na reproductive health education. Kabilang sa mga dapat talakayin dito ang mga isyung tulad ng proteksyon mula sa maagang pagbubuntis, pang-aabusong sekswal, gender-based violence, at responsableng asal.

Upang gabayan ang paghahatid ng CSE, nilabas ng DepEd ang DepEd Order No. 31 s. 2018.

Sa kabila ng pagsasabatas ng RPRH Act, patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga batang ina ayon sa Commission on Population and Development (POPCOM). Ilang ulit nagbabala ang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture na ang pagpapatupad ng lockdown dahil sa COVID-19 pandemic ay maaaring maging sanhi ng lalong pagdami ng mga batang ina.

Ayon din sa senador, makatutulong ang Alternative Learning System (ALS) upang mabigyan ang mga batang ina ng pagkakataon na muling makapag-aral. Si Gatchalian ang pangunahing may-akda at sponsor ng Republic Act No. 11510 o ang Alternative Learning System Act. (ESTONG REYES)

Read More

MONITORING IKINASA SA COVID VACCINES

0

SINIMULAN na ng Food and Drug Administration (FDA) ang monitoring sa lot number ng mga COVID-19 vaccine sa bansa.

Ito’y kaugnay ng pagkakahuli kamakailan sa ilang indibidwal na ilegal na nagbebenta ng COVID-19 vaccine.

Sa panayam sa radyo kay FDA chief, Dr. Eric Domingo, ang hakbang ng ahensya sa mga lot number o batch codes ay para matukoy kung bahagi ng bakunang inangkat ng bansa o donasyon dito ang mga ilegal na ibinebenta.

Ayon kay Domingo, nakaaalarma ang ilegal na bentahan ng bakuna dahil posibleng maapektuhan ang suplay nito maging ang mga indibidwal na dapat maturukan nito.

Kaugnay nito, tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na tutugisin nila ang mga ilegal na nagbebenta at maging ang mga bibili ng COVID-19 vaccines.

Nanawagan din sa publiko ang PNP na makipagtulungan sa kanila sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon sakaling may alam sila na ganitong kalakaran.

Nauna rito, naaresto sa entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) ang nurse na si Alexis de Guzman kasama sina Calvin Yeung Roca, Filipino-Chinese at Kour Singh dahil sa tangkang pagbebenta ng COVID-19 vaccine na nagkakahalagang isang milyong piso.

Ikinasa ng NBI task force against illegal drugs sa ilalim ni Ross Jonathan Galicia, ang nasabing operasyon.

Hinihinalang mga Chinese POGO worker ang parukyano ng mga suspek.

Samantala, inatasan na rin ni Manila City Mayor Isko Moreno ang pamunuan ng Gat Andres Bonifacio Medical Center (GABMMC) na imbestigahan ang pagkakahuli kay De Guzman, na sinasabing 15 taon nang nagsisilbi sa nasabing pagamutan.

Ayon kay Moreno, kinausap na niya si GABMMC Director Dr. Ted Martin na magsagawa ng administrative proceedings at maghain ng kaukulang kaso laban kay De Guzman. (RENE CRISOSTOMO)

Read More

June 19, idineklarang Filipino Social Workers’ Day KAHALAGAHAN NG SOCIAL WORKERS SA KOMUNIDAD KINILALA

0

NARARAPAT kilalanin ang mahalagang papel at hindi matatawarang kontribusyon ng mga social worker sa bansa, partikular na sa pagsusulong ng kapakanan ng mahihirap at vulnerable sectors sa lipunan.

Ito ang tinuran ni Senator Christopher “Bong” Go matapos papurihan si Pang. Rodrigo Duterte dahil sa pagdedeklara sa Hunyo 19 ng bawat taon bilang Filipino Social Workers’ Day.

“Sinusuportahan at kinokomendahan ko ang deklarasyon ng June 19 bilang Filipino Social Workers’ Day upang magsilbing paalala sa lahat ng mga Pilipino sa serbisyo na iginagawad sa lipunan ng ating mga magigiting at masisipag na social workers,” ayon kay Go.

“Sa gitna ng pandemya, hindi po tumigil ang ating social workers na magtrabaho upang gampanan ang kanilang tungkulin sa kanilang mga kababayan. Napakaliit na bagay po nito kumpara sa mga sakripisyo nila, lalo na sa gitna ng kasalukuyang pandemya,” aniya pa.

Pinasalamatan din naman ng senador ang mga social worker dahil sa pagtiyak ng mga ito na ang serbisyo publiko ay makararating sa mga Pinoy na nasa malalayo at liblib na komunidad.

Partikular na kinilala ni Go ang mga taong tumutulong sa pagkakaloob ng mga pangangailangan ng mga pasyente at benepisyaryo ng 125 Malasakit Centers na itinayo sa buong bansa.

“May mga social workers at personnel na nasa mga Malasakit Centers para tumulong sa ating mga kababayan. Kung hindi po dahil sa kanila, hindi magiging buo at makararating sa ating mga kababayan ang serbisyo galing sa mga center na ito,” ani Go.

Sa Proclamation No. 1176, na nilagdaan noong Hunyo 25, iminamandato sa Department of Social Welfare and Development na pangunahan, makipag-coordinate at pangasiwaan ang nationwide observance ng Filipino Social Workers’ Day.

“Sa mga panahong ito kung saan andyan ang banta sa kalusugan at buhay ng ating mamamayan, pinili ng mga kawani ng pamahalaan na magsilbi sa bayan. Imbes na uunahin nila ang kapakanan ng kanilang pamilya, ninais nilang patuloy na magtrabaho sa kani-kanilang mga opisina upang hindi maputol ang mga serbisyo ng pamahalaan para sa lahat,” ani Go. “Nararapat lamang na kilalanin at bigyan ng pagpapahalaga ang mga sakripisyong ito.”

Inisyu rin ni Pang. Duterte ang Administrative Order No. 43 na nagkakaloob ng hazard pay sa mga government personnel.

“The government workers who still go to work during this time put their lives at risk, so they deserve proper compensation. The service that they are giving to the Filipino people is priceless. Granting them hazard pay is the least that we can do for them,” anang senador. (ESTONG REYES)

Read More