2026 DOT BUDGET APRUB SA SENADO

APRUBADO na ang panukalang budget ng Department of Tourism (DOT) at attached agencies nito para sa 2026 fiscal year.

Sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) para sa 2026, ang DOT ay may proposed budget na P3.718 bilyon para sa ahensya.

Ilalaan ang P3.19 bilyon para sa Office of the Secretary habang ang attached agencies nito kabilang ang Intramuros Administration, National Parks Development Committee, at Philippine Commission of Sports Scuba Diving, ay magkakaroon ng P159 milyon, P320 milyon at P44.9 milyon, ayon sa pagkakabanggit.

Inihayag ni Senate Deputy Majority Leader Joseph Victor “JV” Ejercito ang kanyang suporta sa ahensya. Aniya, ito ang industriya na talagang makatutulong sa pagpapasigla ng paglago ng ekonomiya lalo na sa gitna ng lahat ng hamon na kinakaharap ng bansa ngayon.

Binigyang-diin naman ni Sen. Loren Legarda, siyang nag-sponsor sa budget ng DOT sa Senado, ang mga nagawa ng DOT sa pamumuno ni Secretary Christina Garcia-Frasco, sa kabila ng kakaunting operating budget ng ahensya tuwing fiscal year.

Tinutukan naman ni Senator Erwin Tulfo ang usapin sa pagtaas ng pamasahe at mga hamon sa pagbisita sa mga lokal na destinasyon na pangunahing salik sa pag-unlad ng turismo sa bansa.

Patuloy ang pagsuporta ng mga senador at nagsusulong para sa pagtaas ng budget ng ahensya upang maisakatuparan ang mandato sa pagsusulong nito.

(JOCELYN DOMENDEN)

19

Related posts

Leave a Comment