SA loob ng susunod na labinlimang (15) taon, lolobo ng hanggang dalawampu’t dalawang (22) milyon ang backlog o kakulangan sa pabahay sa Pilipinas.
Ito ang nilalaman ng House Bill (BH) 3359 na inihain kahapon ni Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima para amyendahan ang Republic Act (RA) No. 7279 o “Urban Development and Housing Act (UDHA) of 1992”.
“To date, it has been more than three decades since the enactment of the Urban Development and Housing Act, yet the nation has made limited progress in providing decent and affordable housing for the homeless and underprivileged,” paliwanag sa nasabing panukala.
Upang magkaroon ng progreso, kailangang maging institusyunal ang polisiya na maging makatao ang pagtatayo ng mga housing project para sa mga Pilipino na walang sariling bahay at informal settlers.
Magagawa aniya ito sa pamamagitan ng pagtatayo ng housing projects sa lugar kung saan nagtatrabaho at may akses sa edukasyon, kalusugan at iba pa hindi tulad ngayon na itatapon sa malalayong lugar ang mga informal settler families.
“The fundamental rights, lives, human dignity and social justice are at stake here. Maging makatao at mapagmalasakit dapat ang gobyerno sa mga polisiya para sa ating urban poor sector, para sa mga kababayan nating matagal nang napagkakaitan ng maayos at de-kalidad na serbisyo,” ani De Lima.
Bukod dito, kailangan aniyang paigtingin ang pagpapatayo ng housing projects dahil kung hindi ay lalong sasabog ang problema sa loob ng susunod na 15 taon dahil aabot umano sa 22 million ang housing backlog.
“According to the 2023 United Nations Habitat Philippines Country Report, housing needs is projected to increase from a 6.5 million housing backlog in 2022 to 22 million by 2040,” ayon sa panukala ng mambabatas.
Tiyak din na lalong dadami din aniya ang informal pagdating ng taong 2024 mula sa kasalukuyang 3.7 million kung saan kalahati sa mga ito ay nakatira sa mga “slum’ at high-risk area sa Metro Manila o National Capital Region (NCR).
Dahil dito, kailangang bilisan aniya ng gobyerno ang pagtatayo ng mga housing projects kung ayaw ng mga ito na mas lumala ang problema sa susunod na 15 taon.
(BERNARD TAGUINOD)
