Walang naipakulong na ‘big fish’ BATAS MISTULANG INUTIL KONTRA AGRI SMUGGLER

BINATIKOS ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang tila walang katapusang kalakaran ng agricultural smuggling sa bansa dahil wala pa ring naparurusahan o nakukulong na malalaking smuggler sa kabila ng halos isang dekada na mula nang maipasa ang batas laban dito.

Ayon kay Pangilinan, patuloy na lugmok ang mga magsasaka at mangingisdang Pilipino dahil sa pataas nang pataas na gastos at hindi patas na kompetisyon dulot ng mga puslit na produkto, samantalang malayang nakalulusot ang mga smuggler.

Binanggit niya na tatlong kaso na ang isinampa sa ilalim ng Anti-Agricultural Smuggling Act noong Setyembre 2024, ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring nailalabas na warrant of arrest laban sa mga sangkot.

Partikular na tinukoy ng senador ang mga ulat ng Department of Agriculture (DA) kaugnay ng P100 milyong halaga ng smuggled frozen meat sa Cavite, P100 milyong halaga ng sibuyas at bawang sa Marilao, Bulacan, P115 milyong halaga ng sibuyas sa Subic, at P1.9 bilyong halaga ng puslit na bigas.

Sa kabilang dako, tiwala ang senador kina DA Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr. at Bureau of Customs Commissioner Ariel Nepomuceno na parehong nangakong hahabulin ang mga smuggler at abusadong importer.

Bilang dating Presidential Assistant for Food Security and Agricultural Modernization, ipinagmalaki rin ni Pangilinan ang kanyang naging papel sa pagsugpo sa hoarding at smuggling ng bigas na nagligtas ng bilyong piso para sa pamahalaan.

(DANG SAMSON-GARCIA)

55

Related posts

Leave a Comment