QUEZON – Umabot sa pitong pasahero ang namatay matapos na masunog ang isang fast craft vessel sa karagatang sakop ng bayan ng Real sa lalawigang ito, nitong Lunes ng umaga.
Ayon kay Philippine Coast Guard spokesperson, Commodore Armando Balilo, lima sa pitong namatay ay mga babae at dalawa ang lalaki.
Kinilala ang mga namatay na sina Viola Empreso, Marivic Samareta, Edna Balanac, Mina Enciso, Charito Escareces, Andy Tejares, at Crisanto Debelles.
Nasa 24 naman sa mga pasahero ang nasugatan at dinala sa mga ospital sa mga kalapit na bayan. Habang nasagip ang 103 pang sakay na pawang ligtas na ang kalagayan.
Batay sa report ng PCG, dakong alas-6:00 ng umaga nang masunog ang MV Mercraft 2 habang nasa kalahating milya na lamang ang layo sa Port of Real sa bahagi ng dagat ng Baluti Island, Barangay Cawayan.
Galing sa Polillo Island ang fast craft at patungo sa Real nang mangyari ang trahedya.
Umalis ito sa Polillo Port sa bayan ng Polillo dakong alas-5:00 ng umaga lulan ang 134 katao kabilang ang 126 na pasahero at walong miyembro ng crew.
Dakong alas-6:30 ng umaga nang magpadala ito ng distress signal matapos na magsimula ang apoy sa engine room nito.
Mabilis na lumaki ang apoy kaya nagtalunan sa dagat ang mga pasahero. Agad namang sumaklolo ang apat na motor banca ng mga mangingisda, dalawang RORO vessel na malapit sa lugar. Tatlong search and rescue team mula sa PCG ang agad ding idineploy sa lugar.
Idineklarang fire under control ang sunog sa fast craft dakong alas-9:30 ng umaga at hinatak ito ng isa pang bangkang MV Triple Kent patungo sa Baluti Island sa Brgy. Cawayan.
Ayon pa sa Philippine Coast Guard (PCG) Command Center, gawa sa fiberglass ang naturang fast craft vessel at may total capacity ito na 186 na pasahero. (NILOU DEL CARMEN)
215 