TUTOL ang defense team ni Vice President Sara Duterte sa pag-alis o pag-waive sa Rule 18 ng Impeachment Rules na nagtatakda ng sub judice sa tatlong Articles of Impeachment na binawi ng prosekusyon.
Kinumpirma ni Impeachment Court Spokesman Atty. Reginald Tongol na nagsumite na ng formal manifestation ang defense panel upang ipahayag ang kanilang posisyon sa naturang usapin.
Ayon kay Tongol, iginiit ng depensa na hindi nila nais na talikuran ang Rule 18 at hindi rin sila interesado sa trial by publicity.
Umapela rin ang defense team sa Impeachment Court na panatilihin ang pagpapatupad ng sub judice rule kahit sa tatlong binawing artikulo ng impeachment.
Matatandaang kasabay ng pagpayag ng Impeachment Court sa pagbawi sa tatlong articles of impeachment, nagpasya si Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na i-relax ang sub judice rule kaugnay ng mga ito.
Layunin umano nitong bigyang pagkakataon ang depensa na ilahad ang panig ni Duterte hinggil sa mga isyung nakapaloob sa tatlong binawing artikulo.
Gayunman, una nang nagpahayag ng pagtutol si Atty. Shiela Sison sa naturang hakbang at iginiit na dapat manatili ang sub judice rule upang sa loob mismo ng korte talakayin ng depensa ang kanilang mga argumento.
(DANG SAMSON-GARCIA)
14 