LAGUNA – Bagama’t nasa ilalim ng lockdown dulot ng ECQ, tatlo ang patay sa magkakasunod na kaso ng pamamaril sa lalawigang ito, noong Huwebes.
Batay sa report ng Laguna PNP, kabilang sa napatay ang isa umanong miyembro ng robbery-holdup at akyat bahay group sa Biñan City, at isang tulak ng droga sa bayan ng Pangil.
Bandang alas-5:40 ng umaga nang pagbabarilin ng hindi kilalang suspek ang biktimang si Ricky Arzola sa Southville 5, Barangay Langkiwa, Biñan City.
Dead on arrival si Arzola sa ospital habang mabilis na tumakas ang suspek makaraan ang pamamaril.
Ayon sa Biñan City Police, si Arzola ay sangkot sa serye ng nakawan ng motorsiklo, robbery-holdup, akyat bahay at pagtutulak ng ilegal na droga sa kanilang lungsod.
Sa bayan ng Pangil, dead on the spot ang biktimang dating CAFGU na si Wilfredo Sina Quiap matapos pagbabarilin ng hindi kilalang mga suspek sa gilid ng kanilang bahay sa Barangay Dambo bandang alas-4:00 ng hapon.
Sinasabing ang biktima ay bigtime drug pusher sa nasabing bayan.
Samantala, dead on arrival sa ospital ang isa pang biktima na si Eduardo Mancia Jr. na pinagbabaril apat ng na hindi kilalang mga suspek habang nakaupo sa harap ng kanilang bahay sa Barangay Pacita 2, San Pedro City alas-6:15 ng gabi.
Inaalam pa ng mga pulis ang motibo sa krimen at kung sino ang mga suspek. (NILOU DEL CARMEN)
193 