4 INDIBIDWAL DINAMPOT SA HUMAN TRAFFICKING

BINITBIT ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation-Organized and Transnational Crimes Division (NBI-OTCD) ang apat na indibidwal sa kasong human trafficking sa Makati City.

Nauna rito, nakatanggap ng ulat ang tanggapan ni NBI Director Jaime Santiago mula sa mapagkakatiwalaang impormante hinggil sa dalawang club na sangkot umano sa trafficking ng kababaihan kabilang ang ilang menor de edad.

Bunsod nito, agad nagsagawa ng entrapment and rescue operation ang mga awtoridad sa nabanggit na dalawang club sa lungsod na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.

Inaresto ang mga suspek sa pagtutulungan ng mga tauhan ng Makati Social Welfare and Development (MSWD), at NBI-Human Trafficking Division (HTRAD), kasama ang Department of Justice Inter-Agency Council Against Trafficking (DOJ-IACAT) at non-governmental unit.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 4(a) ng Republic Act 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act of 2003), na inamiyendahan sa R.A. 10364 (Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012), ang mga suspek na nakatakdang i-turnover sa NBI Detention Facility sa Building 14, ng New Bilibid Prison, Muntinlupa City. (RENE CRISOSTOMO)

8

Related posts

Leave a Comment