ABOT-LANGIT ang pasasalamat ng isang dalagita matapos siyang agarang masagip ng mga tauhan Mandaluyong PNP mula sa sekswal na pag-abuso ng isang Chinese engineer, dakong alas-8 ng gabi noong Marso 9, 2025.
Ayon sa ulat na nakarating kay PCol. Villamor Tuliao, director ng Eastern Police District (EPD), kinilala ang suspek na si alyas “Li Liam,” 59, isang engineer at kasalukuyang namamalagi sa isang condominium unit sa Brgy. Hulo, Mandaluyong City.
Napag-alaman sa imbestigasyon, sumama ang biktima na kinilalang si “AAA,” 13-anyos, sa kanyang kaibigan para mag-swimming umano sa condominium na pagmamay-ari ng tiyahin nito.
Pagkarating ng dalawa sa nasabing lugar ay sinundo umano sila ng suspek at dinala sa sarili nitong unit na ayon sa biktima ay unang beses pa lamang niyang nakatagpo ngunit ang ipinagtataka niya ay tila ba matagal nang kakilala ng kanyang kaibigan.
Lalong lumakas ang masamang kutob ng biktima nang biglang nagpaalam ang kanyang kaibigan at inabutan ng ilang piraso ng tig-iisang libong papel na pera ng suspek bago umalis.
Sinabi pa ng biktima na ilang sandali pa ay tinangka na umano siyang pagsamantalahan ng suspek at pilit na ipinasusubo ang ari nito sa kanya.
Naudlot lang umano ang tangkang panghahalay nang utusan ng suspek ang biktima na maligo muna. Ginamit naman ng dalagita ang pagkakataong ito upang padalhan ng text message ang kanyang ina na agad namang nagsumbong sa mga pulis.
Makalipas lang ang ilang minuto, dumating sa nasabing lugar ang mga operatiba at matagumpay na isinagawa ang warrantless arrest matapos makumpirma ang mga detalye ng insidente.
Kasalukuyang nahaharap sa kasong paglabag ng R.A. 8353 o Anti-Rape Law of 1997 na may kaugnayan sa R.A. 7610 o An Act Providing for Stronger Deterrence and Special Protection Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination, ang suspek na pansamantalang nakapiit sa Mandaluyong City Police Station. (NEP CASTILLO)
