APAT na mangingisda na mahigit 48 oras nang nagpapalutang-lutang sa dagat na sakop ng Mariveles, Bataan ang nasagip ng mga tauhan ng Philippine Navy matapos masiraan ng makina ang kanilang sinasakyang fishing boat noong Setyembre 16, 2021.
Sa report na isinumite kay Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Adeluis Bordado, ni Philippine Navy Fleet, Public Affairs chief, LCdmr. Ryan Luna, nakatanggap sila ng distress call hinggil sa fishing boat na dalawang araw nang stranded sa gitna ng laot.
Mabilis na nagsanib-pwersa ang dalawang barko ng Philippine Navy, ang BRP Jose Rizal (FF150) at BRP Manobo (LC297) para saklolohan at iligtas ang apat na mangingisdang palutang-lutang sa karagatan.
Una rito, ayon kay Luna, nakatanggap ng radio call ang Acting Commanding Officer ng frigate FF150 na si Cdr. Paul Michael Hechanova hinggil sa napaulat na distressed motorized fishing boat, dahilan para agad na mag-maneuver ang BRP Manobo sa bisinidad kung saan naroon ang na-stranded na mga mangingisda.
Pinangunahan ni Cdr. Danish Ruiz, commanding officer ng BRP Manobo, ang matagumpay na rescue operation sa apat na crew ng F/B Jhon and Jane.
Kinilala ang nailigtas na mga mangingisdang sina Joshua Matugas, Rainiel Castillo, John Rollie Soliman at Roger Valencia, pawang mga residente ng Naic, Cavite.
“The presence of our Philippine Navy assets across the country, the vigilance of our sailors and their prompt response to any maritime situation help secure our seas and prevent the unnecessary loss of lives,” ani LCdmr. Luna. (JESSE KABEL)
