4 NA TAONG “ZERO CASH” SA SALN NI VP SARA, HINDI BASTA PAGKAKAMALI LANG — BARBERS

HINDI maituturing na simpleng pagkakamali ang apat na magkakasunod na taong hindi pagdedeklara ni Vice President Sara Duterte ng hiwalay na cash on hand o cash in bank sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), sa kabila ng milyun-milyong pisong cash na makikita sa kanyang mga financial statement, ayon kay House prosecution panel adviser at spokesperson Robert Ace Barbers.

“Alam mo kung it was just an omission, siguro baka isang taon, mapagbibigyan natin. Remember since 2022 hanggang 2025, hindi talaga sila nag-declare ng cash-in-bank at cash-on-hand sa kanilang SALN, di ba?” ani Barbers sa post-trial press conference.

Batay sa paghahambing ng mga SALN ni Duterte at ng kanyang mga audited financial statement na isinumite sa Bureau of Internal Revenue (BIR), umabot sa ₱21.23 milyon ang cash noong 2022, ₱28.97 milyon noong 2023, ₱15.53 milyon noong 2024 at ₱13.8 milyon noong 2025.

Gayunman, walang hiwalay na deklarasyon ng cash on hand o cash in bank sa kanyang mga SALN sa naturang mga taon.

Dahil dito, iginiit ni Barbers na posibleng sinadya ang hindi pagdedeklara ng naturang halaga.

“So anong ibig sabihin nun, there is a willful and deliberate attempt to conceal that particular income. At hindi nila ito dineklara sa kanilang net worth, sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth,” pahayag ni Barbers.

Binigyang-diin niya na ang hindi paglalagay ng mahalagang impormasyong pinansyal sa SALN ay maaaring magpahiwatig ng sinadya at sadyang pagtatago ng yaman.

Samantala, sinabi ni House prosecution panel spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na mas mabigat ang usapin dahil ang SALN ay isang sinumpaang dokumento.

“Why is it a betrayal of public trust? Because you’re required to file your SALN under oath. The purpose of you taking the oath is to really signify that you are attesting to the veracity, the truthfulness of whatever figures that you have declared in the SALN,” ani Adiong.

Unexplained Wealth, Tatapusin na

Samantala, isang testigo na lamang ang posibleng iharap ng House prosecution panel upang matapos ang paglalahad ng ebidensya nito sa Article II o unexplained wealth, ayon kay House prosecution panel spokesperson Atty. Benjamin Tolosa.

Sinabi ni Tolosa na posibleng isang financial analyst ang susunod at huling testigo, habang pinag-aaralan pa ng panel kung magpapatawag din ito ng testigo mula sa National Bureau of Investigation (NBI).

“That has been indicated in the manifestation that we filed, but it’s continuing on deliberation and then we’ll make our decision on it after we present the financial analyst,” ani Tolosa.

Sa huling bahagi ng paglalahad ng ebidensya sa Article II, iniharap ng prosekusyon ang mga rekord mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC), BIR, mga bangko at iba pang institusyong pinansyal.

Inaasahang pag-uugnayin ng financial analyst ang mga dokumentong ito at ihahambing ang mga deklarasyon ng ari-arian ni Duterte sa kanyang mga tax record, bank balance, ulat ng AMLC, insurance holdings at mga rekord ng mga kompanyang iniuugnay sa kanya at sa kanyang asawang si Atty. Manases Carpio.

Ayon kay Tolosa, iaanunsyo ng prosekusyon ang desisyon nito kung maghahain na ng pormal na mosyon upang tapusin ang paglalahad ng ebidensya matapos ang pagtestigo ng financial analyst.

Nang tanungin kung nakahanda na ang prosekusyon na mag-rest o pormal na tapusin ang paglalahad ng ebidensya nito sa buong kaso, kinumpirma ni Tolosa na iyon ang direksyong tinatahak ng panel, bagaman wala pa siyang pormal na anunsyo.

(TINA MENDOZA)

106

Related posts

Leave a Comment