4 TIMBOG SA FAKE SWAB TEST RESULTS

ARESTADO ang apat katao makaraang makumpiskahan ng pekeng RT-PCR test results ng magkasanib na pwersa ng Manila Police District at Criminal Investigation and Detection Group sa entrapment operation sa Lerma St., Sampaloc, Manila.

Kinilala ang mga arestado na sina Ronilo Ronato, Alison Enrico, Rostica Navarro at Ronaldo Benitez.

Batay sa imbestigasyon ng CIDG-Manila, nagkakahalaga umano ng P3,000 hanggang P3,500 ang pekeng RT-PCR results na ibinebenta ng mga suspek.

Ayon sa ulat ng pulisya, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa ilegal na gawain ng mga suspek.

Bunsod nito, isa sa mga pulis ang kumontak at nakipagtransaksyon sa mga suspek.

Nang iabot ang pera kapalit ng pekeng RT-PCR test result ay akmang bibitbitin ng mga pulis si Benitez ngunit bigla itong tumakbo sa loob ng bahay gayunman nasundan ng mga awtoridad at nadiskubre ang CPU at printer na ginagamit sa pamemeke ng nasabing dokumento.

Napag-alaman sa pagsisiyasat ng pulisya na kinukopya ng mga suspek ang resulta ng swab test mula sa Manila Doctors Hospital at nag-iimprenta ng marami nito para ibenta. (RENE CRISOSTOMO)

167

Related posts

Leave a Comment