NAIPASA ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang 448 panukalang batas at umaksyon sa 32 sa 61 prayoridad na panukala ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) bago mag-recess ang Kongreso, ayon kay House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III nitong Lunes.
Sinabi ni Dy na kabilang sa mga pangunahing tinutukan ng Kamara ang edukasyon, proteksyon sa mga bata, tulong sa mga overseas Filipino worker (OFW), serbisyong pangkalusugan para sa mga senior citizen at iba pang panukalang naglalayong tugunan ang pangangailangan ng mga pamilyang Pilipino.
Sa pinakahuling ulat, umabot na sa 654 ang mga hakbang na naaprubahan ng Kamara, kabilang ang mga panukalang batas at resolusyon. Labintatlo rito ang naging ganap na batas, lima ang niratipikahang ulat ng bicameral conference committee at 448 ang nakapasa sa ikatlo at huling pagbasa.
Kabilang sa mga inaprubahan noong Oktubre 12 ang apat na prayoridad ng LEDAC: House Bill (HB) No. 11561, na naglalayong magtatag ng pambansang sistema ng pagpopondo at insurance laban sa mga panganib ng kalamidad; HB 11563, na magpapahusay sa pagsusuri sa pagganap ng mga lokal na pamahalaan; HB 11566, na naglalayong protektahan ang mga bata sa social media at online gaming platforms; at HB 11597, na nagtatakda ng komprehensibong plano para sa pagpapaunlad ng imprastraktura.
Layunin ng HB 11561 na maglatag ng mekanismo para sa pagpopondo at insurance upang matulungan ang bansa sa pagharap sa mga pinsala at gastusin dulot ng kalamidad. Samantala, babaguhin ng HB 11563 ang Seal of Good Local Governance Act upang higit na mapahusay ang pagsukat sa pagganap ng mga lokal na pamahalaan.
Kabilang sa mga may-akda ng HB 11566 sina Dy, Senior Deputy Speaker Ferdinand “Dinand” Hernandez at Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos. Nagtatakda ito ng mga pamantayan sa kaligtasan, kabilang ang mga paghihigpit batay sa edad, pahintulot ng magulang at mas mahigpit na pananagutan ng mga social media platform.
Layunin naman ng HB 11597 na magtatag ng komprehensibong master plan para sa imprastraktura at isang konsehong mangangasiwa sa pagpaplano para sa imprastraktura at pambansang kaunlaran.
Bukod dito, naipasa rin sa ikatlo at huling pagbasa ang HB 10858 o panukalang pambansang badyet para sa 2027, gayundin ang mga panukalang naglalayong magdagdag ng mga trial court, mag-renew ng mga prangkisang lehislatibo at tumugon sa mga pangangailangan ng lokal na pamahalaan.
Kabilang pa sa mga naipasa ang Free OFW Financial Education Act at panukalang magpapalakas sa batas laban sa ilegal na recruitment. Niratipikahan din ang mga panukala para sa Presidential Merit Scholarship Program at pagtatatag ng National Geriatric Center.
“Ito ay tungkol sa isang pamahalaang marunong makinig, marunong kumilos, at higit sa lahat, marunong magmalasakit. Isang Kongresong hindi lamang naroroon kapag may problema, kundi kaagapay ninyo sa bawat yugto ng buhay,” ani Dy.
65 