Sa inaprubahang P7.2T 2027 budget KAMARA PINALAKI PONDO PARA SA SUPER EL NIÑO

INAPRUBAHAN ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang P7.2-trilyong pambansang budget para sa 2027, na naglalaman ng karagdagang pondo para sa agrikultura, kalusugan, edukasyon, transportasyon at iba pang serbisyong panlipunan, kabilang ang paghahanda sa inaasahang epekto ng Super El Niño.

Sa botong 281 pabor, 13 tutol at isang abstention, pasado ang House Bill No. 10858 o ang panukalang 2027 General Appropriations Bill (GAB).

Ayon kay House Committee on Appropriations Chairperson at bill sponsor Mikaela Angela Suansing, layunin ng mga amyenda sa bersiyon ng Kamara na tugunan ang agarang pangangailangan ng mga Pilipino at palakasin ang paghahanda ng pamahalaan sa mga inaasahang hamon.

Dumaan ang panukala sa line-by-line review ng Budget Amendments Review Subcommittee (BARSc), batay sa mga kahilingan ng mga ahensya at rekomendasyong inilabas sa plenaryo.

Binigyang-prayoridad ang mga programang may direktang pakinabang sa publiko, kabilang ang edukasyon, kaligtasan sa paaralan, tulong sa agrikultura, irigasyon, serbisyong pangkalusugan at social protection.

Pinanatili ng Kamara ang P1.107 trilyong pondong inilaan sa edukasyon sa National Expenditure Program (NEP), habang nagrekomenda ng karagdagang pondo para sa ilang programa.

Kabilang sa mga amyenda ang P2.10 bilyon para sa Tertiary Education Subsidy, P1.77 bilyon para sa Tulong Dunong Program, P1.93 bilyon para sa Basic Education Voucher Program, P952 milyon para sa Basic Education Facilities Fund, P500 milyon para sa School Safety and Security Program, at P350 milyon para sa Academic Recovery and Accessible Learning Program.

Walang inilaan sa NEP na pondo para sa Tulong Dunong Program at School Safety and Security Program.

Agrikultura at Paghahanda sa Super El Niño

Isa sa mga pangunahing tinutukan ng mga amyenda ang agrikultura upang matulungan ang mga magsasaka at mangingisda na makayanan ang inaasahang epekto ng Super El Niño.

Inaprubahan ng Kamara ang karagdagang P10 bilyon para sa Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolk, P500 milyon para sa Expanded Fertilizer Assistance, P4.09 bilyon para sa mga proyekto sa irigasyon sa buong bansa, P150 milyon para sa agricultural transport infrastructure, P4.96 bilyon para sa farm-to-market roads, P100 milyon para sa high-value crops, partikular ang ube, at P330 milyon para sa Climate Resilient Farm Productivity Support.

“These amendments bring the total additional funding for agriculture approved by the House and recommended by the BARSc to P20.86 billion,” ani Suansing.

Layunin din ng mga amyenda na mapalawak ang access sa kuryente sa mga komunidad sa kanayunan sa pamamagitan ng National Rural Electrification Program.

Sa ilalim ng panukalang pagbabago, pahihintulutan ang National Electrification Administration, sa pamamagitan ng mga electric cooperative, na mag-rehabilitate, mag-upgrade, magkabit o magpalit ng mga pasilidad at kagamitan sa distribusyon ng kuryente upang mabawasan ang system loss at mapahusay ang pagiging maaasahan at kahusayan ng serbisyo.

Inaprubahan din ng mga mambabatas ang karagdagang P1 bilyon para sa Fuel Subsidy Program, na walang inilaan na pondo sa NEP, kasama ang P250 milyon para sa service contracting at P250 milyon para sa capital outlay.

Ayon kay Suansing, makatutulong ang fuel subsidy sa mga tsuper ng public utility vehicle (PUV), operator ng tricycle at tsuper ng bus sa gitna ng mataas na presyo ng gasolina.

Binago rin ng Kamara ang probisyon sa Personnel Economic Relief Allowance (PERA) upang maging P2,000 kada buwan.

Ipinaliwanag ni Suansing na bibigyan ng kapangyarihan ang Executive na tukuyin ang pinal na halaga ng anomang karagdagang allowance, sa halip na awtomatikong itakda ito sa P2,000.

Kalusugan at Social Welfare

Tumaas ng P12.23 bilyon ang panukalang pondo para sa kalusugan sa bersiyon ng Kamara, mula P346.59 bilyon sa NEP tungo sa P358.82 bilyon.

Kabilang sa mga amyenda ang P23.97 bilyon para sa Medical Assistance Program upang matulungan ang mas maraming Pilipino na makapagpagamot, maospital at makakuha ng mahahalagang serbisyong medikal. May inilaan din para sa disease prevention at pagpapabuti ng mga pasilidad pangkalusugan.

Sa social welfare, naglaan ang Kamara ng karagdagang P25 milyon bawat isa para sa Project ProtecTEEN at Project Aruga, P13.8 milyon para sa Project SAFE, at P20 milyon para sa Special Committee on LGBTQIA+ ng Department of Social Welfare and Development.

Sa imprastraktura, naglaan din ng karagdagang P68 milyon sa ilalim ng Organizational Outcome 2 ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at P66 milyon para sa Basic Infrastructure Program nito.

Ipapadala na sa Senado ang panukalang pambansang budget para sa 2027 upang sumailalim sa sariling deliberasyon ng mataas na kapulungan.

(TINA MENDOZA)

84

Related posts

Leave a Comment