5-anyos nasagip HOSTAGE TAKER PATAY SA PARAK

BULACAN – Napatay ng mga pulis ang isang hindi kilalang hostage taker habang nasagip ang 5-anyos na batang lalaki sa Brgy. Banca-Banca sa bayan ng San Rafael sa lalawigang ito, noong Lunes ng gabi.

Ayon sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente dakong alas-6:30 ng gabi nang biglang pumasok ang suspek na armado ng .38 kalibreng baril, sa bahay ng mag-live-in partner na sina Richard Balino, 29, at Judith Buensalida, 26-anyos.

Ayon kay P/Lt. Col. Ferdinand Germino, hepe ng San Rafael Police, hinihinalang nasa impluwensiya ng ilegal na droga ang suspek na nakapasok sa naturang bahay nang ‘di namamalayan ng mga magulang ng bata na naglalaro sa salas.

Biglang dinamba ng suspek ang bata at nagbantag papatayin ito kapag tinangkang kunin sa kanya.

Agad namang nagresponde ang mga pulis sa pangunguna ni P/Lt. Germino.

Mabilis na nagbuo ng crisis management team kasama ang hostage negotiator, barangay officials, medic, media at pamilya ng biktima upang mailigtas ang bata.

Tumagal ng mahigit tatlong oras ang negosasyon ngunit nagsimula nang maging marahas ang suspek at sinasaktan ang biktima.

Habang nasa strategic position ang mga pulis ay pinaputukan ang mga ito ng suspek ngunit nabitiwan ang bata.

Bunsod nito, kumilos na ang mga pulis at gumanti ng putok na ikinamatay ng suspek.

Ligtas na naibalik sa kanyang mga magulang ang biktima na dinala sa ospital para isailalim sa medical examination.

Ayon kay Geronimo, isasailalim sa post-traumatic briefing ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang bata at mga magulang kaugnay sa sinapit na trauma dahil sa nangyari. (ELOISA SILVERIO)

156

Related posts

Leave a Comment