(NI DONDON DINOY)
DAVAO DEL SUR—Lima na ang kumpirmadong patay matapos tumama ang magnitude 6.9 na lindol, alas 2:11 ng hapon, Linggo, Disyembre 15.
Unang naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PhiVolcs) ang epicenter ng lindol sa bayan ng Padada, ngunit nagbago ito at naitala mga 6-kilometro northwest sa bayan ng Matanao, Davao del Sur at nasa 3-kilometro ang lalim.
Nangyari ang kalamidad habang patuloy na nagrerekober ang lalawigan sa tatlong sunud-sunod na lindol noong buwan ng Oktubre.
Isang 6-anyos na batang babae, kinilalang si Chelberchen Imgarto, residente sa Brgy. Asinan, Matanao, Davao del Sur, ang unang nakumpirma na namatay matapos tamaan ng mga nahulog na pader sa kanilang bahay.
Sa bayan ng Padada, sinabi ni Mayor Pedro Caminero na aabot na sa 24 ang isinugod sa pagamutan habang narekober naman ang dalawang bangkay ng hindi pa kilalang babae sa patuloy na search and retrieval operation sa loob ng gumuhong commercial building.
Dalawang building sa Padada ang gumuho, isa ang pamilihang bayan at ang tatlong palapag na Southern Trade Commercial Building kung saan pinaniniwalaang may mga na-trap pa sa loob.
Isang 73-anyos na ginang din ang patuloy na hinahanap ng pamilya dahil hindi na nakauwi sa kanila matapos mag-grocery sa commercial building.
Sa Brgy. Limonso sa lugar, makikita ang malalaking bitak ng lupa na sinasabing fault line.
Sa bayan ng Hagonoy, Davao del Sur, hindi na magamit ang Clinica Rudinas na isang Infirmary Hospital sa Barangay Poblacion, matapos magkabitak ang mga pader sa building kaya nag tent na muna sa labas ang mga pasyente.
Sa Bansalan, Davao del Sur, patay ang senior citizen na si Elias Degamon, matapos matabunan ng gumuhong pader sa kanilang bahay sa Sitio Kadenas, Brgy. New Clarin.
Sa Matanao, Davao del Sur, isang sasakyang nakaparada sa labas ng St. Benedict Hospital matapos gumuho ang istruktura nito.
Gumuho rin ang Dalapo-Rudinas Hospital sa Brgy. Poblacion kaya pinalabas ang mga pasyente.
Sa pagsulat nitong balita, hindi pa masabi ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ang kabuuang halaga ng pinsala at ang bilang ng lahat ng biktima dahil sa patuloy na assessment.
233