6 HULI SA P 1.4-M SHABU SA ANTIPOLO

ANTIPOLO CITY – Nadakip ng mga awtoridad ang anim katao makaraang makumpiskahan ng mahigit sa P1.4 milyong halaga ng ilegal na droga sa back to back operation sa lungsod na ito.

Ayon sa ulat ni P/Maj. Joel Custodio, chief ng Provincial Intelligence Unit (PIU), kay Rizal PNP Provincial Director P/Col. Dominic Baccay, kinilala ang mga nadakip na sina Jeffrey Esguerra, Anastacio Hementiza at Rodel Dizon, pawang high value target, Abdul Barazar, Ronald Dela Cruz at Yoshihara Narabe, mga residente ng Sitio Pandayan, Brgy., Inarawan ng lungsod.

Unang nadakip sa anti-drug operation sina Esguerra, Hementiza at Dizon, dakong alas-12:20 ng umaga noong Hulyo 20 sa Sitio Gumamela-1, Brgy. Sta. Cruz at nakumpiska ang 110 grams ng shabu na nagkakahalaga ng P784,000.

Habang dakong alas-4:14 ng madaling araw sa kaparehong araw, nadakip naman sa Sitio Pandayan sina Barazar, dela Cruz at Narabe.  Nakuha sa mga ito ang 105 grams ng droga na may kantidad na P680,000.

Sa kabuuan, nakalikom ang mga awtoridad ng P1,464,000 halaga ng ilegal na droga at iba’t ibang shabu paraphernalia.

Kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang kahaharapin ng mga suspek.

Samantala, pinuri ni Baccay ang mga tauhan ng Provincial Intelligence Unit sa walang humpay na operasyon laban sa ilegal na droga para tuluyang sugpuin ang paglaganap nito sa probinsya ng Rizal. (ENOCK ECHAGUE)

440

Related posts

Leave a Comment