ANIM na kabilang sa Most Wanted Persons (MWPs) ang nadakip, habang 155 iba’t ibang uri ng baril ang nasamsam sa tatlong araw na Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operation (SACLEO) ng Police Regional Office 1 (PRO 1) sa Ilocos Region.
Ayon kay Police Regional Office 1 Director Brig. Gen. Jovencio S. Badua Jr., isinagawa ang operasyon mula Agosto 17 hanggang 19, 2026 sa mga lalawigan ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union at Pangasinan.
Sa kabuuang 155 baril na nasamsam, apat ang nakuha sa target operations.
Samantala, 42 wanted persons ang naaresto sa magkakahiwalay na manhunt operations, kabilang ang anim na Most Wanted Persons—dalawa sa provincial level, isa sa city level at tatlo sa municipal level.
Apat naman sa mga naaresto ang nahaharap sa firearm-related charges.
Ayon sa PRO 1, bahagi ng Enhanced A.L.E.R.T.O. Framework ang isinagawang operasyon na nakatuon sa intelligence-driven at target-oriented na pagtugis sa mga wanted person.
Tinutukan ng mga tauhan ng PRO 1 ang pagtukoy, pagsubaybay at agarang pag-aresto sa mga indibidwal na may kinakaharap na kaso upang matiyak na hindi nila matatakasan ang batas.
“Ang tagumpay ng tatlong araw na SACLEO ay bunga ng maayos na koordinasyon, masusing intelligence gathering, at mabilis na pagtugon ng ating mga kapulisan,” pahayag ni Badua.
Aniya, ipinakita ng mga pulis na sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ay mas nagiging epektibo ang paghahanap at pag-aresto sa mga wanted person.
(JESSE RUIZ)
78 