IGINIIT ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na ebidensya, at hindi pulitika, ang dapat maging batayan sa magiging desisyon sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang tugon ni Ridon, miyembro ng House Prosecution Panel, sa pahayag ni Davao City Rep. Paolo Duterte na mayroong “predetermined narrative” o nakatakda nang hatol sa impeachment trial ng bise presidente.
“I don’t think it is accurate to even say na meron pong predetermined narrative. I think what is clear is, meron pong kanya-kanyang kuwento, meron pong kanyang paglalahad noong pong sitwasyon, ‘yung pong depensa at prosecution dito,” pahayag ni Ridon.
Ayon kay Ridon, ipagpapatuloy ng prosecution panel ang paglalahad ng mga ebidensya kaugnay ng mga alegasyon laban kay Duterte, habang may buong karapatan ang panig ng depensa na sagutin ang mga sakdal at magprisinta ng sarili nitong mga patunay.
“Kasi sa dulo-dulo naman, hindi pulitika ang magsasalita dito eh. Ang magsasalita talaga rito, ano ang nailatag ng prosecution, ano yung nailatag ng depensa sa kabuuan,” ani Ridon.
Binigyang-diin niya na ang bigat at kabuuan ng mga ebidensyang ilalatag ng magkabilang panig ang magiging batayan kung hahantong sa conviction o acquittal ang kaso.
Iginiit din ni Ridon na higit na mahalaga na manaig ang paghahanap sa katotohanan kaysa sa anomang pampulitikang layunin sa impeachment court.
(TINA MENDOZA)
92 