CAVITE – Sa kabila ng mahigpit na pagpapatupad ng kampanya laban sa ilegal na sugal, sunod-sunod pa rin ang isinasagawang tupada habang anim na sabungero ang nadakip ng mga awtoridad habang marami ang nakatakas sa operasyon sa Dasmariñas City sa lalawigang ito.
Nahaharap sa kasong paglabag sa PD 1602 (illegal gambling) ang arestadong sina Jaime Belmin, Edward Robles, Jonathan Abbot, Rowel Guimbe, Angelo Salamat at Francisco Tesorero Jr.
Ayon sa ulat ni Corporal Franz Marione Zorilla ng Dasmariñas City Police Station, dakong alas-3:50 noong Biyernes ng gabi nang magsagawa ng anti-illegal gambling operation ang mga operatiba ng OPD-SOG sa Brgy. Paliparan 3, ng naturang lungsod kung saan naaktuhan ang mga kalalakihan na nagsasagawa ng tupada.
Nadakip ang anim na mga sabungero habang marami ang nakatakas.
Nakuha sa lugar ang dalawang sasabunging manok, tari at P2,200 perang pamusta. (SIGFRED ADSUARA)
163 