NADAKIP nang muli ang anim mula sa 13 pumuga sa custodial facility ng Caloocan City Police at pinaghahanap pa ang pito, habang sinibak sa tungkulin ang dalawang nakatalagang bantay nang mangyari ang pagtakas.
Balik sa kulungan sina Harris Danacao, 23; Reymark delos Reyes, Mark Oliver Gamutia, Arnel Buccat, Aldwin Jhoe Espila, at Reynaldo Bantiling.
Samantala, patuloy na tinutugis ng mga pulis sina Norbert Alvarez; Jovel Toledo Jr., Raymond Balasa, Hudsong Jeng, Justin Tejeros, Martin Mama, at Gerrymar Petilla.
Ayon sa pamunuan ng Caloocan City Police, ang natakasang custodial facility ay inilaan para sa mga bilanggo na mayroon nang commitment order ng Korte para ilipat sa Caloocan City Jail (CCJ) ngunit dahil ang mga preso ay may sintomas ng COVID-19 ay isinailalim muna sila sa quarantine sa nasabing pasilidad.
Iginiit naman ng Caloocan City Police na dalawa lamang sa mga tumakas, sina Bantiling at Petilla, ang nagpositibo sa isinagawang rapid antibody test noong Oktubre 2.
Ang iba pa ay hinarang ng health officers ng CCJ na ilipat sa kanilang pasilidad dahil sa ‘health reasons.’
Kaugnay nito, kasong kriminal at adminitratibo ang naghihintay sa dalawang sinibak na bantay nang makapuga ang mga preso. (ALAIN AJERO)
163 