HOUSE PROBE SA NCAP SUPORTADO NG LCSP

SUPORTADO ng Lawyers for Commuter Safety and Protection (LCSP) ang isasagawang imbestigasyon ng Kongreso sa pagpapatupad ng No Contact Apprehension Program (NCAP) ng ilang local government unit (LGU) sa Metro Manila.

Ayon kay LCSP founder Atty. Ariel Inton, dapat siyasatin ng Kongreso ang legalidad ng pagpapatupad ng NCAP ng mga LGU, lalo’t mayroon nang traffic management system na pinangangasiwaan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

“Bakit may NCAP pa ang LGU samantalang may NCAP nang pinatutupad ang MMDA sa pamamagitan ng Unified Traffic Framework na dapat ay MMDA lang ang mangasiwa sa traffic sa buong Metro Manila?” tanong ni Inton.

Ito rin aniya ang naging pangunahing isyu sa mga petisyong kumukuwestiyon sa mga local ordinance na nagpapatupad ng NCAP, na ibinasura ng Korte Suprema matapos ideklarang moot and academic ang usapin dahil sa pagpapatupad ng unified traffic scheme ng MMDA.

Gayunman, ayon kay Inton, may pending motion for reconsideration pa umano ang mga petitioner kaya dapat munang maging maingat ang mga LGU sa pagpapatupad ng kani-kanilang NCAP.

Iginiit din ng LCSP na dapat imbestigahan ng Kongreso ang papel ng QPAX Traffic Systems, na naging katuwang ng ilang LGU sa pagpapatupad ng NCAP.

Kabilang sa dapat linawin, ayon kay Inton, kung ginagamit pa rin ng ilang LGU ang sistema ng pribadong kumpanya o kung sila na mismo ang may kontrol sa buong NCAP system.

Sinabi rin niya na dapat siyasatin ang sinasabing bahagi ng private sector sa kinokolektang multa mula sa mga motorista.

“Bakit dapat maimbestigahan ito? Dahil inamin naman ng ilang mayor na may porsyentong kinikita ang private sector sa multang ibinabayad ng mga motorista,” ani Inton.

Dapat ding linawin, aniya, kung may kaugnayan ito sa halaga ng mga multa sa ilalim ng NCAP ng mga LGU.

Isa pang dapat siyasatin ang naging access ng private company sa records ng Land Transportation Office (LTO) para sa pagpapatupad ng NCAP, gayundin ang polisiya na itinuturing na presumed driver ang registered owner ng sasakyang nahuhuli ng NCAP.

Nais ding malaman ng LCSP kung nasusunod ang mga probisyon ng Data Privacy Act sa pangangalap, paggamit at pagproseso ng mga datos ng mga motorista.

Binigyang-diin ni Inton na hindi tutol ang LCSP sa pagpapatupad ng disiplina sa kalsada, ngunit dapat aniyang tiyakin na tama ang ahensyang nagpapatupad, makatwiran ang multa at naaayon sa batas ang sistema.

Iginiit niyang dapat munang ipatigil ang NCAP ng mga LGU habang hindi pa malinaw ang legal na batayan at iba pang isyung kaugnay ng pagpapatupad nito.

(JULIET PACOT at PAOLO SANTOS)

72

Related posts

Leave a Comment