KALABOSO ang apat katao nang makumpiskahan ng mahigit sa P1.4 milyong halaga ng ilegal na droga at isang baril sa buy-bust operation sa Navotas City noong Miyerkoles ng gabi.
Kinilala ang mga arestado na sina Marvin Orano, 34; Arjay Centeno, 28; Marlon Valentin, 19, at Janine Burdeos, 28-anyos.
Nabatid sa pulisya, marami silang natanggap na reklamo hinggil sa isang Marvin at isang Arjay na umano’y nagkakalat ng ilegal na droga sa Barangay San Roque.
Makaraan ang mahigit sa isang linggong pagmamatyag, isinagawa ang buy-bust operation, alas-11:00 ng gabi sa Champaca St., Brgy. San Jose kung saan nadamba sina Orano at Centeno nang bentahan ng P500 halaga ng shabu ang isang undercover cop at dinakip din ang mga kasama nilang sina Valentin at Burdeos.
Nakumpiska sa mga suspek ang 206 gramo ng shabu na may standard drug price na P1,400,800 at caliber .38 revolver na kargado ng apat na bala.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act. (ALAIN AJERO)
246 