VILLAR NANAWAGAN NG MAS MATATAG NA SEGURIDAD SA PAGKAIN SA HARAP NG BANTA NG SUPER EL NIÑO

NANAWAGAN si Senator Mark Villar ng mas matibay at koordinadong hakbang upang mapangalagaan ang seguridad sa pagkain ng bansa sa harap ng banta ng “Super” El Niño.

Ayon kay Villar, maaaring maapektuhan ng matagal na tagtuyot ang produksyon at distribusyon ng pagkain, magpataas sa presyo ng mga pangunahing bilihin at magdulot ng panganib sa mga pamilyang Pilipino.

Batay sa datos ng Office of Civil Defense (OCD), umabot na sa ₱6.8 bilyon ang pinsala sa agrikultura dulot ng El Niño hanggang Oktubre 2026, habang 109 na lugar ang nagdeklara ng state of calamity.

Nagbabala rin ang Department of Agriculture (DA) na maaaring bumaba ng humigit-kumulang 700,000 metric tons ang produksyon ng bigas, katumbas ng 3.5 porsyento ng taunang target nito.

Sinabi ni Villar na ipinapakita ng posibleng pagbaba ng produksyon ang pangangailangang palakasin ang sistema ng suplay ng pagkain upang matiyak na mananatiling sapat, abot-kaya at madaling makuha ang mga pangunahing bilihin, lalo na ng mga pamilyang may mababang kita.

“Ang seguridad sa pagkain ay hindi lamang tungkol sa sapat na produksyon. Mahalaga ring matiyak na nakararating ang pagkain sa bawat pamilyang Pilipino sa abot-kayang presyo, lalo na sa panahon ng krisis,” ani Villar.

Iminungkahi ng senador ang pagpapahusay sa mga pasilidad ng imbakan ng pagkain, mas maayos na pamamahala ng imbentaryo, at mas maaasahang transportasyon at distribusyon upang maiwasan ang pagkaantala sa suplay at mabawasan ang pagkalugi ng mga produktong pagkain.

Binigyang-diin din niya ang pangangailangang suportahan ang mga lokal na producer upang mapanatili ang produksyon sa kabila ng mga hamon dulot ng pagbabago ng klima.

Hinimok din ni Villar ang mga pambansang ahensya at lokal na pamahalaan na palakasin ang koordinasyon at pagbabahagi ng datos upang matukoy ang mga lugar na posibleng makaranas ng kakulangan sa pagkain at makapagpatupad ng agarang hakbang.

Binanggit din niya ang kanyang panukalang Integrated Urban Agriculture Bill (Senate Bill No. 422), na naglalayong palawakin ang produksyon ng pagkain sa mga komunidad sa lungsod sa pamamagitan ng rooftop gardening, vertical farming at iba pang makabagong pamamaraan.

Ayon kay Villar, makatutulong ang mga hakbang na ito upang madagdagan ang lokal na suplay ng sariwang pagkain at masuportahan ang umiiral na sistema ng distribusyon.

Dahil maaaring magpatuloy hanggang 2027 ang epekto ng El Niño, nanawagan siya ng komprehensibong estratehiya na nakatuon sa pagpapanatili ng lokal na produksyon, mahusay na distribusyon, pagsubaybay sa presyo at napapanahong tulong sa mga komunidad na higit na nangangailangan.

(DANNY BACOLOD)

17

Related posts

Leave a Comment