WARRANT NI BATO GALING DAYUHANG KORTE, P50M PABUYA MULA SA MGA PILIPINO?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

MARAMING nagtatanong ngayon sa lansangan, palengke, at social media – bakit tila mas masigasig pa ang sarili nating gobyerno na ipatupad ang warrant of arrest na galing sa International Criminal Court laban kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa, kaysa mismong ICC?

Kung ang warrant ay nagmula sa isang dayuhang hukuman na matagal nang sinasabi nating wala nang hurisdiksyon sa Pilipinas mula nang kumalas tayo noong 2019, bakit tayo pa ang nangunguna sa pag-aresto sa sarili nating senador?

Pangalawa, hindi maikakaila ang pagtataka ng taumbayan sa biglaang paglabas ng P50 milyong pabuya para sa ikadarakip ng senador. Limampung milyon. Pera ng bayan. Sa dinami-rami ng puganteng may kasong heinous crime, drug lord, at terorista na matagal nang pinaghahanap, bakit ngayon lang tayo nakakita ng ganito kalaking pabuya para sa isang nakaupong senador ng Republika na araw-araw namang humaharap sa Senado at sa publiko? Hindi ba’t mas mukha itong pamumulitika kaysa pagpapatupad ng hustisya?

Pangatlo, malinaw sa ating Saligang Batas na ang isang senador ay mayroong parliamentary immunity at karapatan sa due process sa ilalim ng sariling hukuman. Kung may kasalanan si Senador dela Rosa, bakit hindi sa korte ng Pilipinas siya litisin? Bakit kailangan nating isuko ang soberanya ng ating hudikatura sa isang banyagang korte na kahit ang Amerika, Russia, China at Israel ay hindi kinikilala? Ang pagpilit na ipatupad ito ay malinaw na pagyurak sa ating pagiging malayang bansa.

Pang-apat, hindi nakalilimutan ng taumbayan kung sino si Bato dela Rosa. Siya ang naging mukha ng kampanya laban sa ilegal na droga sa panahon na halos suko na ang mga komunidad sa talamak na kriminalidad. Maaaring may naging labis, maaaring may naging mali, pero ang taumbayan mismo ang humingi ng kamay na bakal noon. Ngayon ba ay siya pang gagawing sakripisyo para lang ipakita sa mga dayuhan na tayo ay “cooperative” o dahil ba kilala siyang supporter ng mga Duterte?

Panlima, ang mas nakababahala ay ang mensahe na ipinadadala nito sa ating mga pulis at sundalo. Kung ngayon ay kaya nang ipagbili sa halagang P50 milyon ang ulo ng dating hepe ng PNP na sumunod lang sa utos ng kanyang Commander-in-Chief, paano pa lalaban ang susunod na henerasyon ng mga alagad ng batas? Sino pa ang mangangahas na magpatupad ng batas kung sa huli ay sila rin ang ituturing na kriminal ng sarili nilang gobyerno?

Pang-anim, kung talagang hustisya ang habol, bakit tila pinipili lang ang hustisya? Bakit tahimik sa ibang kaso na may warrant? Bakit si Senador Bato lang ang may presyo ang ulo? Hindi maiwasan ng mamamayan na isipin na ito ay hindi na tungkol sa karapatang pantao, kundi tungkol sa pamumulitika at sa pagbura sa mga kaalyado ng nakaraang administrasyon (Duterte).

Sa huli, ang isyung ito ay hindi na tungkol kay Bato dela Rosa lamang. Ito ay tungkol sa kung hanggang saan kayang ibenta ng gobyerno ang sarili nitong mamamayan kapalit ng palakpak ng dayuhan. Kung handa tayong maglabas ng P50 milyon para hulihin ang sarili nating senador dahil sa utos ng tagalabas, bukas ay baka P100 milyon naman para kanino? Nawawala na ang soberanya, at ang taumbayan, gising na gising sa katotohanang ito.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.

23

Related posts

Leave a Comment