TIWALA ang Malakanyang sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa gitna ng mga alegasyon ni veteran broadcaster Mon Tulfo hinggil sa umano’y iregularidad sa kustodiya at espesyal na pagtrato kay dating House Speaker Martin Romualdez.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na mahalagang matukoy ang katotohanan sa isyu upang matiyak na walang sinomang nakatatanggap ng espesyal na pagtrato dahil lamang sa posisyon, relasyon o katayuan sa buhay.
“Pantay-pantay po dapat ang pagtrato kahit anuman ang posisyon mo, kahit anoman ang relasyon mo, kahit anoman ang kulay mo,” ani Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Sa paunang resulta ng beripikasyon ng BJMP, walang nakitang indikasyon ng pagkawala ng kuryente o pagkaantala sa operasyon ng mga CCTV camera sa Quezon City Jail Male Dormitory sa Payatas, Quezon City.
Isinagawa ang imbestigasyon kasunod ng mga alegasyon ni Tulfo tungkol sa umano’y iregularidad sa kustodiya at espesyal na pagtrato kay Romualdez.
Ayon kay BJMP Spokesperson at Jail Superintendent Jayrex Bustinera, wala ring naitalang paglabas ni Romualdez sa pasilidad sa panahong sinuri sa CCTV footage.
Matatandaang sinabi ni Tulfo sa isang Facebook post na umano’y pinapatay ang suplay ng kuryente sa kulungan upang palabasing nagkaroon ng brownout at hindi makunan ng CCTV ang paglabas at pagpasok ni Romualdez.
Ayon sa source ni Tulfo, gumagamit umano ang dating House Speaker ng back door stairs at naghihintay na ambulansya sa ibaba ng hagdan.
Samantala, tiniyak ng BJMP na magpapatuloy ang imbestigasyon at bukas ito sa pagtanggap ng impormasyon mula sa publiko at pakikipagtulungan sa iba pang ahensya ng pamahalaan.
Hinimok naman ni Castro ang mga tauhan ng BJMP na patuloy na gampanan ang kanilang tungkulin at huwag gumawa ng anomang paglabag.
Kinuwestiyon din niya ang motibo ng mga nagpapakalat umano ng maling impormasyon na maaaring makasira sa mga ahensya ng pamahalaan.
Binigyang-diin ni Castro na hindi nangangahulugang guilty na ang isang taong nahaharap sa kaso dahil nakasalalay pa rin ito sa mga depensang ihaharap nito.
Nagbabala rin siya laban sa pagpapakalat ng fake news na maaaring mapagkamalang totoo kapag hindi agad natutugunan.
(CHRISTIAN DALE)
58 