P1.36-B HALAGA NG HINIHINALANG SHABU, NASABAT SA MICP

NAHARANG ng Bureau of Customs (BOC), katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP), ang humigit-kumulang 200 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱1.36 bilyon sa Manila International Container Port (MICP).

Nakatago ang hinihinalang droga sa mga salansan ng karton sa loob ng isang 40-foot container.

Binigyang-diin ni DILG Secretary Jonvic C. Remulla na resulta ang pagkakasabat ng pagtutulungan ng mga ahensya at pagpapalitan ng intelligence information sa mga bansa sa ASEAN.

Ayon kay Remulla, nakatuon ang kampanya ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagpigil sa pagpasok ng ilegal na droga bago ito makarating sa mga komunidad at pagtukoy sa mga pinagmumulan nito.

Pinuri rin niya ang BOC, PDEA, PNP at iba pang katuwang sa operasyon, ngunit iginiit na hindi nagtatapos sa pagkakasabat ng droga ang kanilang trabaho. Kailangan ding matunton ang pinagmulan nito at maimbestigahan ang mga sangkot sa pagpapadala at pagtanggap ng kargamento.

Ayon kay PDEA Assistant Secretary Renato Gumban, nagmula sa Vietnam Anti-Narcotics Police Department ang impormasyong may shipment na posibleng naglalaman ng shabu. Batay sa impormasyong ibinahagi sa PDEA, nagmula ang kargamento sa Lao PDR.

Dumaan ang shipment sa Haiphong, Vietnam, bago ipinadala sa Hong Kong, kung saan inilipat ang container sa ibang barkong patungong Pilipinas.

Nagbigay rin ng abiso ang katuwang na ahensya ng PDEA sa Vietnam nang makaalis ang barko sa Haiphong. Dahil dito, agad na naibahagi ng PDEA Intelligence Service sa BOC Customs Intelligence and Investigation Service ang impormasyon tungkol sa kargamento.

Natutukan ng BOC ang shipment bago pa ito dumating sa bansa. Isinailalim ito sa X-ray scanning at sinundan ng pisikal na inspeksyon.

Natuklasan ang 50 kahon na may tig-aapat na pakete ng hinihinalang shabu. Nagpositibo sa methamphetamine hydrochloride o shabu ang mga nakuhang substance sa paunang field test.

Personal na nag-inspeksyon sa mga nasabat na droga sina Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno, DILG Secretary Remulla, PDEA Assistant Secretary Gumban at PNP Lieutenant General Neri Vincent Ignacio.

Tiniyak ni Lt. Gen. Ignacio na patuloy na makikipagtulungan ang PNP sa PDEA at BOC sa mga susunod na hakbang, partikular sa imbestigasyon. Aniya, natukoy na ng mga awtoridad ang consignee ng kargamento at magtutulungan ang PDEA at PNP sa pagpapatuloy ng pagsisiyasat.

Nakikipag-ugnayan din ang BOC sa PNP Drug Enforcement Group upang masundan ang dinaanan ng kargamento, matunton ang pinagmulan nito at matukoy ang iba pang posibleng sangkot sa tangkang pagpupuslit.

Batay sa kabuuang datos para sa 2025 at 2026, nakapagsagawa ang BOC ng 520 operasyong may kaugnayan sa ilegal na droga na nagkakahalaga ng ₱11.294 bilyon.

Nakapagsampa rin ang ahensya ng pitong kasong may kaugnayan sa ilegal na droga laban sa 10 indibidwal sa parehong panahon. Samantala, 10 akusado na ang nahatulang nagkasala sa dalawang drug-related convictions.

“Patuloy tayong sumusunod sa kautusan ng ating Pangulong Bongbong Marcos na panatilihing ligtas ang ating mga kalye laban sa ilegal na droga. Ang estratehiya natin ay bantayan ang mga lugar kung saan posibleng makapasok ang mga ito,” pahayag ni Commissioner Nepomuceno.

Binigyang-diin niyang hindi lamang pangongolekta ng pondo para sa operasyon ng pamahalaan ang tungkulin ng Customs, kundi maging ang pakikipagtulungan sa PNP, National Bureau of Investigation (NBI), PDEA at iba pang ahensya upang mapanatiling ligtas ang mga komunidad laban sa ilegal na droga.

Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos, patuloy na hinihigpitan ng MICP, sa pamumuno ni District Collector Atty. Felipe Geoffrey K. De Vera IV, ang pagbabantay sa mga pumapasok na kargamento sa pamamagitan ng masusing inspeksyon at mabilis na pagbabahagi ng impormasyon sa mga katuwang na ahensya.

(VERLIN RUIZ)

59

Related posts

Leave a Comment