NANAWAGAN ang Kamara sa mga ahensya ng pamahalaan na tiyaking nakararating sa mga apektadong magsasaka at mangingisda ang ₱6.2 bilyong tulong para sa El Niño, kasabay ng lumalalang tagtuyot na nagbabanta sa produksyon ng agrikultura at seguridad sa pagkain ng bansa.
Ipinagpatuloy ng House Committee on Agriculture and Food, sa pamumuno ni Quezon Rep. Mark Enverga, ang pagsusuri sa ilalim ng House Resolution No. 967 na inihain ni Sultan Kudarat Rep. Bella Vanessa Suansing. Layunin nitong rebyuhin ang kahandaan, pondo at mga hakbang ng pamahalaan upang maprotektahan ang kabuhayan ng sektor ng agrikultura.
Alinsunod ito sa isinagawang briefing noong Hunyo kung saan inilatag ng Department of Agriculture (DA) at Task Force El Niño ang kanilang mga plano at interbensyon laban sa tagtuyot.
Sinabi ni Enverga na ipinagpatuloy ang pagsusuri kasunod ng personal na utos ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III upang matiyak na transparent at direktang naipararating sa mga komunidad ang inilaang pondo.
Nais malaman ng Kongreso kung nakararating sa mahigit 310,000 maliliit na magsasaka at mangingisda ang ₱6.2 bilyong inilabas sa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) program para sa krudo, pataba at direktang tulong.
Inuusisa rin ng komite ang ₱371-milyong kakulangan sa pondo para sa mahahalagang interbensyon, kabilang ang cloud seeding at pagkontrol sa mga peste na sumisira sa mga pananim na tubo.
Ayon kay Enverga, kailangang magbunga ng konkretong resulta ang iminumungkahing ₱61.99-bilyong consolidated action plan ng DA.
“Hindi na kayang maghintay ang ating mga magsasaka at mangingisda. Hinihingi natin sa lahat ng ahensya na dumalo ngayon ang mga tiyak at tapat na kasagutan upang agad tayong makapaghatid ng mabilis at nakatutok na tulong sa ating sektor ng agrikultura,” giit ni Enverga.
Sinabi naman ni Suansing na layunin ng pagdinig na masuri ang mga nagawa ng mga ahensya mula noong Hunyo at ang mga karagdagang hakbang na kailangan upang tugunan ang banta ng El Niño sa suplay ng tubig, kuryente, kalusugan at kabuhayan.
Hiningi rin ni Suansing ang ulat sa pagpapatupad ng Republic Act No. 12287 o Declaration of State of Imminent Disaster Act, partikular kung nagamit ang pondo para sa mga preventive measure.
Hinimok din niya ang DA na palawakin ang paggamit ng drought-resistant technology at magbigay ng alternatibong kabuhayan sa mga apektadong sektor.
Aniya, ang paghahanda sa El Niño at pagbabago ng klima ay hindi lamang usapin ng industriya kundi usapin din ng pambansang seguridad.
Dumalo sa pagdinig ang mga kinatawan ng DA, PAGASA, Department of Science and Technology (DOST), Department of Environment and Natural Resources (DENR), National Irrigation Administration (NIA), iba pang ahensya ng pamahalaan at mga pribadong grupo sa agrikultura.
(TINA MENDOZA)
202 