BILYONG HALAGA NG DROGA NASAMSAM SA TULONG NG MGA ASO

DAHIL sa mga asong kasapi ng Philippine Drug Enforcement Agency -Narcotics Detection Dogs, naging matagumpay ang ahensiya sa kanilang anti-drug campaign sa buong bansa na nagresulta sa pagsamsam sa multi-bilyong halaga ng ilegal na droga at pagkakaaresto sa bigtime at high value drug personalities.

Sa tulong ng Narcotics Detection Dogs, mula Hulyo 1, 2022 hanggang Abril 30, 2026, nakapagsagawa ang PDEA K9 teams ng 546 anti-drug operations, na nagresulta sa pagkakaaresto sa 221 drug personalities at pagsamsam ng halos 2.5 tonelada ng methamphetamine hydrochloride o shabu; 44,233 tableta ng ecstasy; 71,749 gramo ng cocaine; at mahigit dalawang tonelada ng marijuana.

Simula ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., mas pinaigting ng pamahalaan ang kampanya laban sa ilegal na droga sa ilalim ng “Bagong Pilipinas” agenda, na nagbunga ng tuluy-tuloy na malakihang huli sa buong bansa.

“Precision, discipline and trust define every K9 team we deploy. These dogs detect what technology alone cannot, and they never fail to deliver,” pahayag ni PDEA Director General Undersecretary Isagani R. Nerez.

Ang PDEA K9 Unit ay nakabase sa San Jose del Monte, Bulacan, kung saan ito ay may kumpletong pasilidad na may sariling veterinary clinic, na nagpapairal ng mahigpit na health protocols, inspeksiyon sa mga kulungan ng aso, at breeding program upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng mga sinanay na drug-sniffing dogs.

(JESSE RUIZ)

89

Related posts

Leave a Comment