PAGHINGI NG ‘SORRY’ AT PAGTINDIG NI SEN. ERWIN TULFO PARA SA KATOTOHANAN

TARGET ni KA REX CAYANONG

SA gitna ng umiinit na usaping pulitikal sa bansa, mahalagang manaig ang katotohanan at pananagutan sa bawat alegasyong ibinabato laban sa sinumang lingkod-bayan. Ang mga paratang ay dapat na sinusuportahan ng matibay na ebidensya at hindi basta-basta ginagamit bilang sandata upang sirain ang pangalan ng iba.

Ito ang dahilan kung bakit mariing pinabulaanan ni Senador Erwin Tulfo ang mga alegasyong ibinato laban sa kanya ng nagpakilalang dating ex-Marines na si Bernard Gumban. Ayon sa senador, isa lamang itong malaking kasinungalingan at walang batayan upang paniwalaan ng publiko.

Iginiit ni Tulfo na kahit himayin at suriin pa ang General Appropriations Act mula 2022 hanggang 2025, wala umano siyang anumang alokasyong maaaring iugnay sa mga paratang laban sa kanya.

Dahil dito, plano niyang magsampa ng kasong perjury o libel laban sa kanyang nag-aakusa.

Sa isang demokratikong lipunan, ang korte ang tamang lugar upang timbangin ang katotohanan at hindi ang social media o mga haka-haka na mabilis kumalat sa publiko.

Naniniwala rin ang senador na may mas malalim na dahilan sa likod ng mga alegasyong ito. Para sa kanya, posibleng may sabwatan o planadong kampanya upang dungisan ang kanyang pangalan at maging ang kanyang pamilya.

Hindi rin maikakaila na sa panahon ngayon, ang mga personalidad na may mataas na antas ng popularidad ay madalas nagiging target ng mga batikos at kontrobersiya. Bagama’t bahagi ito ng pampublikong buhay, hindi dapat maging normal ang paggamit ng walang basehang akusasyon bilang kasangkapan sa pulitika.

Samantala, pinili naman ni Senador Tito Sotto na huwag nang pag-aksayahan ng panahon ang kahalintulad na alegasyong ibinabato sa kanya. Aniya, hindi naman siya senador sa panahong binabanggit sa mga paratang, at maging ang sinasabing tauhan na tumanggap umano ng pera ay matagal nang pumanaw.

Sa kabilang banda, isang positibong hakbang ang ginawang paghingi ng paumanhin ni Senador Tulfo kaugnay ng kanyang mga naging pahayag sa gitna ng tensyon sa Senado.

Inamin niya na hindi nararapat ang mga salitang kanyang nabitawan tungkol sa pagpapaaresto at pagpapaalis sa ilang personalidad sa loob ng Senado. Bagama’t bunga ito ng matinding emosyon at pagkadismaya, kinilala niyang hindi ito angkop sa isang halal na opisyal ng pamahalaan.

Higit sa lahat, mahalagang pahalagahan ang kanyang paghingi ng paumanhin sa publiko dahil sa epekto ng hidwaan sa Senado sa pagtalakay ng mahahalagang panukalang batas.

Tama ang panawagan ni Sen. Erwin na isantabi ang pagkakawatak-watak at ituon ang pansin sa paglilingkod sa bayan.

Ito’y dahil sa panahong maraming hamon ang kinakaharap ng bansa, higit kailanman ay kailangan ang pagkakaisa, integridad, at paglalagay sa kapakanan ng sambayanang Pilipino bilang pangunahing prayoridad.

123

Related posts

Leave a Comment